Ni MARY ANN SANTIAGO
Hindi nakapagdiwang ang isang bagong halal na barangay kagawad matapos lamunin ng apoy ang kanyang bahay sa Tondo, Maynila, bago pa man matapos ang bilangan sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kamakalawa.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Station 7, na pinamumunuan ni Police Supt. Jerry Corpuz, nagsimulang sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay ni Kagawad Elisa Erinco, na matatagpuan sa Solis Street, malapit sa Bulacan Street, sa Tondo, dakong 7:29 ng gabi.
Binibilang na ang mga nakuhang boto ng mga kandidato sa katapat na polling area sa Florentino Torres High School nang sumiklab ang apoy, kaya pansamantalang naantala ang canvassing.
Tumagal pa ng ilang minuto bago nagdesisyon ang mga board of election tellers (BET) na ituloy ang bilangan.
Makalipas ang isang oras, na-control ng mga bumbero ang sunog ngunit muli itong sumiklab at nadamay ang kalapit na commercial building.
Ayon sa mga tauhan ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), mabilis na kumalat ang apoy at nahirapan silang apulahin ito dahil sa nakaimbak na mga tela sa gusali.
Aabot sa anim na pamilya ang nasunugan habang walang iniulat na nasugatan at nasa P100,000 ang natupok.
Patuloy na inaalam ang sanhi ng sunog.