Nina LESLIE ANN G. AQUINO, CHITO A. CHAVEZ, DANNY J. ESTACIO, at NESTOR L. ABREMATEA

Inamin kahapon ng Commission on Elections na nakatanggap ito ng maraming ulat ng umano’y vote buying, subalit ilan lamang sa mga ito ang naberipika.

 FLYING VOTERS Inaresto ng Pasay City Police ang anim na pinaghihinalaang flying voters, makaraang mapansin ng ilang poll watchers na hindi lehitimong botante sa Rivera Village Elementary School sa Pildera Dos ang mga suspek, na umaming pawang taga-Pacita Complex sa Laguna. (ALI VICOY)


FLYING VOTERS Inaresto ng Pasay City Police ang anim na pinaghihinalaang flying voters, makaraang mapansin ng ilang poll watchers na hindi lehitimong botante sa Rivera Village Elementary School sa Pildera Dos ang mga suspek, na umaming pawang taga-Pacita Complex sa Laguna. (ALI VICOY)

“Maraming nagsasabi, actually kagabi pa na nagsasabi gumagalaw mga tao dito...people are moving,” sinabi kahapon ni Comelec Spokesman James Jimenez. “As far as we are concerned, what we need are the verified reports, but as far as verified reports, dalawa or tatlo pa lang na lugar ang meron.”

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Tumanggi si Jimenez na tukuyin ang nasabing mga lugar, subalit inaming may mga naitalang insidente sa Calabarzon at Central Luzon.

Maging si Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Oscar Albayalde ay nakatanggap din ng mga ulat ng vote buying.

“Some reports were actually not validated. In other parts of the country especially in (Region) 4A eight were arrested because of vote buying activities… in Lucena, Calamba. Just recently also one suspected vote buying activity in Taguig,” ani Albayalde.

Nanawagan naman si Albayalde sa pulisya na maging masusi sa pagkumpirma ng nasabing mga sumbong, at tiyaking kumalap ng sapat na ebidensiya upang mapanagot ang mga namimili ng boto.

Nangako naman ang Department of Interior and Local Government (DILG) na sasampahan ng reklamo ang mga inaakusahang vote buyers.

Hinikayat ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño ang mga magrereklamo na samahan ng litrato o video ang kanilang complaint para mapalakas ang kaso laban sa mga inaakusahang vote buyers.

Kumpirmadong may naaresto sa umano’y vote buying sa Taguig City kahapon, habang ilang botante naman ang nagsuko ng P300 na iniabot sa kanila bago pumasok sa polling precinct sa Mandaluyong City.

Sa Lucena City, Quezon, pitong umano’y vote buyers ang nadakip sa Barangay Dalahican at kinilalang sina Epito Carbonel, 61, ng Bgy. San Cristobal, San Pablo City, Laguna; Virginia Sta. Ana, 44, ng Bgy. Cotta; Dory Repollo, 56, ng Bgy. Ibabang Talim; Romeo Bersabe, 48, ng Bgy. Marketview; Arsenio Lagrason Jr., 55, ng Bgy. Ilayang Talim; Fernando Nantes Irwin Casiño, 48, ng Bgy. Ibabang Iyam; at Wilma Anthony, 22, ng Bgy. Ibabang Iyam, Lucena City.

Sa Calamba City, Laguna, dinampot din sa umano’y pamimili ng boto ang 63-anyos na barangay health worker sa Bgy. Barangay Milagrosa na si Corazon Tapalla Del Rosario, makaraang ireklamo ni Councilor Saturnino Javier Lajara.

Samantala, batay sa nakalap na ulat ay talamak din umano ang pananakot sa mga botante at ang vote buying sa Visayas.

Sa Samar, umaabot umano sa P3,500- P5,000 ang bayaran para iboto ang isang kandidato para chairman sa bayan ng Matuguinao.

Batay sa mga nakalap na ulat, sa bayan ng Gandara ay inamin umano ng mister ng isang kandidato para barangay chairwoman na nasa P2,000-P5,000 ang bilihan ng boto.