SA nakalipas na pitong taon, ang digmaan sa Syria ay sa pagitan ng puwersa ng gobyerno ni President Bashar al-Assad, sa suporta ng mga tropang Russian at Iranian, at ng ilang grupong rebelde na nakikipagbakbakan din sa isa’t isa. Mayroon ding alyansa ng mga militia na suportado naman ng Amerika. At nariyan din ang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na hangad na magtatag ng Islamic caliphate sa Gitnang Silangan. Nariyan din ang iba’t ibang grupong etniko at mga sekta, kabilang ang mga Kurd na naghahangad ng sarili nilang lupain.
Nitong Abril, nagbantang lumala ang giyera sa Iraq nang gumamit ang puwersa ng gobyernong Syrian ng chemical weapons na pumatay sa nasa 60 katao at ikinasugat ng nasa 1,000 iba pa, kabilang ang mga sibilyang nakatira sa mga teritoryo ng rebelde. Naglunsad ang Amerika, kasama ang Britain at France, ng missile attack na nagwasak sa chemical weapons center sa Damascus. Gayunman, tiniyak ng mga itong walang malalagas sa mga tauhan ng mga kaalyado ng Syria na Russian forces.
Nitong Huwebes, Mayo 10, nagdulot ng pangamba sa Gitnang Silangan ang bagong pag-atake. Nagsagawa ng rocket attack ang puwersang Iranian sa mga base-militar ng Israel sa Golan Heights. Ilang minuto makalipas ang hatinggabi, gumanti ang Israel nang magpakawala ng sarili nitong mga missile, na ikinasawak sa radar station, ng imbakan ng mga bala at ng mismong lugar ng depensa ng Syria.
Parehong limitado ang naging pagkilos ng Amerika at Russia sa buong panahon ng digmaan sa Syria, subalit ang bagong bakbakan sa pagitan ng Israel at Iran ay nagdulot ng panibagong pagkabahala. Nasa Syria upang depensahan ang hangganan nito sa hilaga, kilala ang Israel sa pag-iingat ng mga nukleyar na armas, habang matagal nang nagdeklara ang Iran ng pagkamuhi sa Israel, at mariing tinututulan ang mismong bansa.
Sumiklab ang panibagong labanan sa panahong sumisibol ang panibagong kawalang katiyakan sa Gitnang Silangan makaraang iatras ni President Trump ang Amerika sa kasunduang nukleyar nito sa Iran, na nagdeklara namang ipagpapatuloy ang nuclear weapons program nito. Tumitindi ang pangambang pangdigmaan sa Gitnang Silangan dahil sa mga bagong pangyayaring ito.
Masuwerte tayo na sa bahagi nating ito sa mundo, sa Silangang Asya, ay kapwa isinusulong ng North at South Korea ang isang kasunduang pangkapayapaan makalipas ang 60 taon ng hindi pagkakasundo at pagpapalitan ng banta. Sa Hunyo 12, maghaharap sina US President Trump at North Korean leader Kim Jong Un sa Singapore sa matinding pag-asam ng mundo na tuluyan na nilang tutuldukan ang palitan ng banta ng pag-atakeng nukleyar.
Kasabay nito, ipanalangin nating humupa na rin at mapayapang maresolba ang iba pang alitan sa ibang panig ng mundo. Dahil malinaw ang panganib ng nukleyar na pag-atake sa Gitnang Silangan, at sa ganoong uri ng digmaan, walang kahit sino man sa planetang ito ang maliligtas.