Ni Clemen Bautista
ANG Mayo, na buwan ng mga bulaklak at mga kapistahan, ay sinasabing panahon pa man ng mga Kastila ay buwan din ng mga magsasaka. Ang pagpapahalaga sa mga magsasaka ay ginagawa tuwing sasapit ang ika-15 ng Mayo na paggunita at pagdiriwang ng kapistahan ni San Isidro, ang patron saint ng mga magsasaka.
Nang sakupin ng mga Kastila ang iniibig nating Pilipinas, bukod sa paghahasik ng binhi ng Kristiyanismo na ang mga Pilipino’y natutong tumingala sa langit, ipinakilala rin ng mga Kastila ang araro at kalabaw sa mga magsasaka bilang kasangkapan at hayop na magagamit sa pagsasaka.
Ang mga magssaka sa ating makabagong panahon ay ang sektor ng lipunan, tulad ng mga manggagawa na laging kulang sa tangkilik at kalinga ng pamahalaan. Hindi sila gaanong natulungan ng mga nagdaang rehimen. Madalas na maging biktima ng panlilinlang at pang-aapi at ng bigay-bawing lupa. Nagiging dahilan ng kanilang pagha-hunger strike at kilos-protesta. May pagkakataon din na nang humingi ng bigas na maisasaing ang mga magsasaka sapagkat naging biktima ng tagtuyot at walang naaning palay, ang naging kasagutan sa mga magsasaka ay marahas na dispersal at binomba ng tubig ng mga bombero. Marami ang nasaktan at kinasuhan pa ang mga magsasaka.
Sa panahon ni dating Pangulong Corazon C. Aquino, isang Presidential Proclamation ang kanyang nilagdaan noong Marso 21, 1989. Ito ay ang Presidential Proclamation No. 393, na nagtatakda sa Mayo ng bawat taon bilang “Farmers and Fisherfolks Month”. Layunin ng proklamasyon at ng pamahalaan na patuloy na mabigyan ng mataas na prayoridad o pansin ang pag-unlad ng agrikultura at pangingisda. Magawa ng mga magsasaka at mangingisda na mapalawak ang kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa. Matulungan din ng Kagawaran ng Pagsasaka na maiangat ang kapakanan ng mga magsasaka at mangingisda.
Maganda ang layunin ng proklamasyon ngunit ang nakalulungkot sa mga nakalipas na rehimen, ang mga magsasaka at mangingisda ay nananatiling kulang sa tulong at tangkilik ng pamahalaan. Ang mga magsasaka, ayon sa iba nating kababayan, kumbaga sa kalabaw ay nakasingkaw pa rin sa kahirapan. Sa kasalukuyang rehimen, ang kalihim ng Department of Agriculture, kung pagbabatayan ang mga sinasabi sa interbyu sa radyo, ay parang dadalhin ang mga magsasaka sa paraiso. Ngunit salat sa katotohanan ang mga sinasabi.
Ngayong ika-15 ng Mayo, maraming bayan at barangay sa mga lalawigan ang ipinagdiriwang ang kapistahan ng patron nilang si San Isidro, tulad ng Lucban at Sariaya sa Quezon; Pulilan, Bulacan; Barangay San Isidro sa Angono, Rizal; San Isidro, Nueva Ecija; Bgy. San Guillermo, Morong, Rizal; Barangays Nanguma, Paagahan at Matala-tala sa Mabitac, Laguna; Biñan, Laguna; Lasam, Cagayan, at iba pang mga bayan at barangay sa lalawigan na nagpapahalaga sa mga magsasaka.
Kasabay ng pagdiriwang ng pista ni San Isidro ang pagbuhay at pagbibigay-buhay sa mga tradisyon na kaugnay ng kapistahan. Sa Pulilan, Bulacan, tampok ang “Carabao Festival” na isang magandang bahagi ay ang pagpapaluhod ng mga kalabaw sa harap ng simbahan habang binebendisyunan ng pari.
Sa Lucban, Quezon, tampok naman sa pista ni San Isidro ang Pahiyas Festival, o ang paglalagay ng dekorasyon ng “Kiping”o “brittle rice waters” sa harap ng mga bahay. Ang Pahiyas ay hango sa salitang “payas” na nangangahulugan ng maganda at malaki; at “hiyas” o jewels. Ang “Kiping” ay hango sa salitang kipi o kinipi, na ang kahulugan ay piniga ang bigas na ibinabad sa tubig.
Sa Angono, Rizal, tampok sa pista ni San Isidro ang siyam na gabing nobena sa itinayong kapilya malapit sa bahay ng Hermano mayor. Ang nobena ay dinadaluhan ng mga anak at kamag-anak ng magsasaka at ng mga deboto ni San Isidro. Matapos ang nobena sa bawat gabi, ang mga nakipagnobena ay binibigyan ng mga tinapay at biskuwit, sa tradisyong tinatawag na “Paampaw”. Sa bisperas ay tampok ang makulay na parada, at sa umaga ng kapistahan ay may misa. Kasunod nito ang prusisyon at parada na sa mga karosa ay nakasabit ang mga produktong ani ng mga magsasaka.
Pagsapit sa isang maluwang na bahagi ng isang subdivision sa Bgy. San Pedro, sisimulan ang kunwari’y pag-aararo ng mga kalabaw na hawak ng mga magsasaka. Kasunod na nito ang “pagtatanim”ng palay ng mga batang babaing may mga hawak na bulubod. Ang kanilang pagtatanim ay sinasabayan ng tugtog ng banda ng musiko ng “Magtanim ay Di Biro”. Pagkatapos, dumarating ang dalawang lalaking may karga ng ginatan na nakalagay sa malaking balde ng tubig. Ang ginatan ay ibinibigaysa mga batang manananim at iba pang kasama sa prusisyon at parada.
Kasunod na ang prusisyon at parada patungo sa bahay ng Hermano mayor upang ihatid sa kapilya ang imahen ni San Isidro.Sa bahay ng Hermano mayor ay may libreng pagkain sa lahat ng mga sumama sa prusisyon at parada. Gayundin sa ibang mga panauhin.
Sa pagdiriwang ng Pista ni San Isidro kasabay ang pagbibigay-buhay sa tradisyon, nakikita at nailalarawan ang kambal na pagpapahalaga kay San Isidro at mga magsasaka.