Ni Ric Valmonte
ANIM na mahistrado ng Korte Suprema ang hiniling ni Chief Justice Lourdes Sereno na huwag makilahok sa pagdinig ng quo warranto petition laban sa kanya. Nauna nang pina-disqualify ng Punong Mahistrado sina Associate Justices Teresita Leonardo de Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza at Noel Tijam. Maliwanag ang batayan, ang kanilang wala nang kakayahang maging patas sa paghatol kay Sereno.
Ipinakita na nila ito nang isuko nila ang dignidad ng Korte Suprema sa Kongreso nang tumestigo sila sa House Committee on Justice na duminig sa impeachment complaint na isinampa ni Atty. Larry Gadon laban kay Sereno.
Iyong papel ni Gadon na magpatunay sa kanyang mga bintang kay Sereno ay ginampanan ng mga mahistradong ito. Sila ang nagbigay ng mga ebidensiyang hindi kayang gawin ni Gadon. Dama rin sa pagharap nila sa house committee at paglalahad ng kanila raw nalalaman na may kinikimkim silang galit sa Punong Mahistrado. Hindi nila nagustuhan ang pamamaraan ng pagpatakbo ni Sereno sa Korte Suprema.
Sa pagdinig naman ng quo warranto nitong Abril 10, sa panahong ito ay nakasalang sa oral argument, naitanong ni AJ Samuel Martirez kung ang religious belief ay nagpapahiwatig ng kasiraan sa pag-iisip. Pinatutsadahan niya si CJ, na dahil dito ay wala umano itong kakayahang manungkulan. Nakabuo na ng paniniwala si Martirez laban dito. Kaya hiniling din ni Sereno na mag-inhibit siya dahil hindi na siya magiging parehas sa tungkuling maghatol nang walang kinikilingan.
Pero hindi na nga kumalas sa kaso ang anim na mahistrado ay bumoto pa. Ano pa ang maaasahan sa kanila kundi ang bumoto pabor sa quo warranto na nagpapatalsik kay Sereno. Kung may delicadeza sila at hindi na sila nakialam, dalawa lang ang boto na kumakatig sa quo warranto.
Dapat ganito ang naging bunga ng botohan: sa halip na 8-6, naging 2-6 ito kung nag-inhibit ang anim na mahistrado. Talagang ito ang dapat na maging resulta ng botohan kung naging tapat sila sa kanilang itinuturo sa lahat ng abogado, lalo na ang mga hukom.
Delicadeza, wika nila: Ang propesyon ng abogasya ay dapat mahigpit na tumutupad sa pamantayan ng legal at judicial ethics. Ang mga abogado ay dapat mabait, matapat at marangal hindi lamang kaugnay ng kanilang pagpapraktis ng kanilang propesyon kundi maging sa pakikisalamuha sa kanilang kapwa sa pribadong kapasidad. Sa ganitong pamantayan, marami na ring kinastigong mga abogado at hukom. Mayroon pa silang tinanggal sa puwesto at pinagkaitan ng lahat ng benepisyo.
Ang problema, sa quo warranto case ni Sereno, ang anim na mahistrado ay hindi sumunod sa kanilang nais ipasunod sa mga abogado upang igalang ang propesyon ng abogasya. Nagbigay sila ng masamang halimbawa na napakadali pa namang pamarisan.
Higit na madaling gayahin ang hindi magandang gawain lalo na sa law profession sapagkat madali itong pagkakitaan.