Ni Martin A. Sadongdong at Mary Ann Santiago

Tutugisin ng Philippine National Police (PNP) ang mga mahahalal sa Barangay and Sangguniang Kabataan (SK) elections na nasa drugs watch list.

Ito ang babala kahapon ni PNP chief Director General Oscar Albayalde, nilinaw na hindi dahilan ang pagkakapanalo sa halalan upang hindi mapanagot ang nanalong kandidato sa mga ilegal na aktibidad nito.

“What we can do is to further validate the allegations against them and conduct a case build-up if they are really in the [drugs watch list],” sabi ni Albayalde. “If there is a basis, then we can file a case or apply for a search warrant. It [winning from the elections] is not an excuse. Winning does not absolve them from their involvement in illegal drugs.”

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Gayunman, nilinaw niyang hanggang hindi napatutunayan ang mga alegasyon, kailangang tuparin ng inihalal na kandidato ang kanyang tungkulin bilang opisyal ng barangay.

Tiniyak din ng Commission on Elections (Comelec) na malayang makakaupo sa puwesto ang mananalo sa halalan pero nasa “narco list” ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), dahil sa bisa ng final conviction ng hukuman lamang ito maaaring madiskuwalipika.

Sinabi pa ng mga opisyal ng Comelec na mas makabubuti na sampahan na lang ng kaukulang kaso ang mga ito, at dapat ay may ebidensiya ring ihaharap sa hukuman.

Tiniyak din ni Albayalde sa mga mananalong kandidato na nasa drugs watch list na bibigyan ang mga ito ng due process habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya.

“It’s a watch list, not a warrant of arrest,” paglilinaw ni Albayalde.

Matatandaang noong nakaraang buwan ay isinapubliko ng PDEA ang “validated” drugs watch list, na kinabibilangan ng mga pangalan ng nasa 216 na opisyal ng barangay. Ayon sa PDEA, ang nasabing impormasyon ay batay sa military at police intelligence.

Una nang nanawagan ang PNP sa mga botante na huwag iboto ang mga kandidatong alam nila na sangkot sa ilegal na droga.