Ni Vanne Elaine P. Terrazola

Ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), Charter change (Chacha) at paglipat sa federalismo ang mga nangunguna sa mga prayoridad ng Senado, sa pagbabalik ng sesyon nito matapos ang pitong linggong pahinga ngayong araw, Mayo 15.

Magiging abala ang Mataas na Kapulungan sa legislative work lalo na’t tatlong linggo na lamang ang nalalabi bago ang sine die adjournment ng 17th Congress sa Hunyo 2, na magmamarka ng pagtatapos ng regular sesyon nito sa Hulyo.

Sinabi ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III na sisikapin ng Senado na matatapos ang pagtalakay sa 24 panukalang batas, na bahagi ng priority measures ni Pangulong Duterte.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Partikular na uunahin ng Senado ang Senate Bill 1717, o ang panukalang BBL, na magtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region at papalit sa umiiral na Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM).

Itutuloy din ng Senado ang deliberasyon sa panukalang Chacha at federalismo sa Senate Committee on Constitutional Amendments, Revision of Codes and Laws.

Sinabi ni Senate President Aquilino Pimentel III na maaaring hintayin nila ang mga rekomendasyon ng Consultative Committee na binuo ni Duterte para magrepaso sa 1987 Constitution upang isama sa kanilang mga diskusyon.

Isa pang prayoridad, ayon kay Sotto, ang panukalang Prevention of Terrorism Act, na mag-aamyenda sa kasalukuyang Human Security Act at magpapataw ng mas mabigat parusa sa mga indibidwal na nakagawa ng acts of terror.

Sinabi rin ni Pimentel na sisimulan na rin nilang talakayin ang nakaplanong Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Package 2, ang pangalawa sa four-tranche comprehensive tax reform program ng adminisytrasyong Duterte.