Ni Martin A. Sadongdong

Tinatayang 33 katao ang namatay simula nang mag-umpisa ang election period hanggang sa aktuwal na araw ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections kahapon, ito ang inihayag ng Philippine National Police (PNP) matapos bumoto ang mga Pilipino sa 36,781 polling precinct sa buong bansa.

Base sa tala ng National Election Monitoring and Action Center (NEMAC) simula noong Abril 14 hanggang kahapon, inihayag ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na 18 sa nasabing bilang ng mga biktima ay opisyal ng gobyerno, apat ang kumandidato, tatlo ang dating opisyal, dalawa ang tagasuporta at anim naman ang sibilyan.

Iniulat din niya na ang 33 namatay ay bahagi ng 44 na karahasang kanilang naitala, na 35 ang pinaghihinalaang may kinalaman sa eleksiyon, habang ang pito ay kumpirmadong may koneksiyon sa halalan.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Aniya, maliban naman sa 33 namatay, 26 katao pa ang nasugatan habang 24 ang hindi naman nasaktan sa mga naitalang karahasan. Gayunman, nilinaw ni Albayalde na mas mababa ito kumpara sa 109 biktima sa naitalang 57 insidente noong 2013 election.

Samantala, pulis ang nagsilbing board of electoral inspectors (BEI) sa ilang bahagi ng Mindanao matapos umurong ang mga guro na dapat sanang BEI sa lugar dahil umano sa takot.