Ni Mary Ann Santiago

May 25 drug suspect ang naaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa serye ng anti-drug operations na inilunsad sa iba’t ibang lugar sa lungsod, nabatid kahapon.

Sina Alejandro Uson, 60, tricycle driver, ng Sampaloc; at Ricky Tolentino, 49, nursing aid, ng Galas, Quezon City, ay nadakip dakong 1:00 ng hapon nitong Linggo, sa Barangay 581, Zone 57 sa Sampaloc, habang nagpa-pot session umano sa Gerardo Street. Nakumpiska mula sa kanila ang drug paraphernalia.

Nadakip naman ng mga tauhan ng MPD-Station 5 sina Cecille Olete, 33; at Ronel Caparas, 32, miyembro ng Batang City Jail, sa kanilang bahay sa Old Site, Baseco Compound, dakong 1:45 ng hapon, at nasamsaman umano ng dalawang pakete ng hinihinalang shabu.

Dakong 11:30 ng gabi naman nang maaresto sa Pedro Gil Street sa Paco si Mervile Villahermosa, 28, estudyante, ng Benitez Street, at nakumpiskahan umano ng apat na plastic sachet ng marijuana.

DMW, pinag-iingat OFWs sa illegal traffickers, recruiters sa Middle East

Pagsapit naman ng 11:45 ng gabi ay naaresto rin sa F. Varona Street, Tondo, sina George Relocano, 39; Regner Pangilinan, 22; Joven Romualdez, 18; Ronnie Boy Abao, 41; Ramon Sumabat Jr., 45; Rex Perochu, 56; Maricel Perochu, 40; Jennylyn Quilantang, 27; Jerry Enrique, 52; at Ricardo Padre, 48, pawang taga-Tondo.

Nakumpiskahan umano sila ng 10 plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Sa pot session naman sa tuktok ng Smokey Mountain sa Tondo nadakip ng mga tauhan ng MPD-Station 1, dakong 11:30 ng gabi ng Sabado, sina Myla Imutan, 35; Manolo Romero, 46; Rodelio Dionisio, 28; Robert Gomez, 32; Danilo Mercado, 46; Humberto Javier, 22; Alvin Masorca, 20; Rogelio David, 37; Aristotle Sambile, 36; at Leila Punay, 35 anyos.