Ni MERCY LEJARDE
PUMIRMA ng program contract si Nora Aunor sa GMA Network. Masaya ang Superstar sa pagiging bahagi niya ng isang kuwentong kakaiba at malapit sa kanyang puso.Ang kanyang upcoming primetime series ay tungkol sa ibang klaseng pagmamahal ng ina sa kanyang dalawang anak at ipinagmamalaki ni La Aunor ang kahusayan ng kanyang co-stars at excited na siyang mapanood ito ng Kapuso viewers. Buong galak niyang sinabi sa GMA Network contract signing na abangan na lang daw natin ang seryeng pinagbibidahan niya.
During our pocket interview nang pumirma siya ng program contract sa GMA Network nitong Huwebes, isa sa mga naitanong sa kanya ang pagod at depression na inaamin ng karamihan ngayon sa mga artista dito man sa Pilipinas o sa Hollywood.
“Siguro dahil na rin sa tagal ko sa show business, sa umpisa pa lang, nagkaroon na ako ng mga problema tungkol diyan sa loob ng show business, ngayon pa ba ako susuko?
“Hindi puwede, kailangan lumaban ka pa rin, kahit anong mangyari. Kahit sinong tao, may karapatan na lumaban. Hindi dapat sumuko anumang bigat ‘yung dinadala ng isang tao.
“Nagkaroon ako ng depression, matagal na ‘yun, nu’ng nawala ‘yung tatay ko na unang-unang nawala sa akin, eh, mahal na mahal ko ‘yun.
“So, ‘yun ang depression ko sa buhay.”
Ibinahagi rin ni Ate Guy ang kanyang childhood. Twelve years old lang siya nang mag-umpisa ang showbiz career niya, pero naging normal ang takbo ng kanyang childhood.
“Nakakapaglaro naman ako noong araw, kaya lang ang laro ko, pitpitan ng trumpo.
“Para kasi akong lalaki noong araw dahil sa nakagisnan kong ako ‘yung nagtatrabaho sa magkakapatid, nag-iigib ng mabibigat, nagbebenta ng tubig sa tren.
“Siguro dahil doon kaya para akong naging lalaki.”
Patuloy ng Superstar, “Ang nagpatatag sa akin, ‘yung kahirapan po namin, dahil sa magkakapatid, ako lang ang talagang nagkaroon ng isip o plano na kailangan kong maiangat ‘yung pamilya ko sa kahirapan.”
So there, naging hamon sa kanya na talunin ang kahirapan. Kaya magsumikap at gumanda ang kanilang buhay. And the rest, wika nga, is the history ng nag-iisang Superstar ng Philipppine showbiz world.