Nilinaw kahapon ng Commission on Elections (Comelec) na maaari pang i-substitute o palitan ang mga kandidatong nasawi o binawian ng buhay bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections hanggang ngayong Lunes ng tanghali lamang.

Batay sa Comelec Resolution No. 10329, pinapayagan ang substitution ng sinumang kandidato na binawian ng buhay bago ang halalan, hanggang 12:00 ng tanghali sa mismong election day.

Nabatid na nagpasyang maglabas ng resolusyon hinggil sa isyu ang Comelec en banc, matapos na makatanggap ng mga kahilingan na mapalitan ang ilang kandidato sa eleksiyon ngayon, na sa hindi inaasahang pagkakataon ay nasawi o napatay sa nakalipas na mga araw.

Ayon sa Comelec, maaaring palitan ang nasawing kandidato ng sinumang indibiduwal, ngunit kinakailangang taglay nito ang lahat ng kuwalipikasyon, at walang diskuwalipikasyon na itinatakda ng batas.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Pinapayagan ang papalit sa nasawing kandidato na maghain ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) hanggang ngayong 12:00 ng tanghali lamang.

Ang substitute candidate ay isasama sa listahan ng mga kandidato, kung mayroon pang oras para gumawa at magpaskil ng listahan ng mga opisyal na kandidato sa eleksiyon, pero kung kulang sa oras ay eekisan na lang ang pangalan ng nasawing kandidato at isusulat kamay ang pangalan ng substitute. - Mary Ann Santiago