Balik na sa normal ang relasyon ng Pilipinas at Kuwait matapos ang paglalagda sa Memorandum of Agreement para protektahan ang mga karapatan at kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs).

Ipinahayag nina Presidential Spokesman Harry Roque at Department of Labor and Employment (DoLE) Secretary Silvestre Bello III na pirmado na ang kasunduan sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas, sa kanilang pagdating sa NAIA Terminal 1 sa Pasay City, nitong Sabado ng gabi.

Kasama rin sa delegasyon sina dating DoLE Sec. Marianito Roque, Labor Attaché Rustico dela Fuente, at Deputy Chief of Mission in Kuwait Mohd Noordin Lomondot.

“Normal na po ang samahan ng Philippines at Kuwait. Ang hinihintay lang po talaga ng parehong panig ay iyung paglagda ng memorandum of agreement,” ani Roque.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“Iyung paglagda pong iyan, ‘yan ay senyales na we have both agreed to move on with our relationship at we have both learned from the experience. The experience will make our friendship and ties with Kuwait even stronger,” dugtong niya.

Nakatakdang irekomenda ni Bello kay Pangulong Rodrigo Duterte ang partial lifting ng deployment ban para sa mga skilled at professional workers, ngunit mananatili ang ban sa pagpapadala ng household service worker (HSW) sa Kuwait dahil may mga dapat pang pag-aralan ukol dito.

Sa datos ng DOLE, mayroong 262,000 dokumentadong Pilipino sa Kuwait, 60 porsiyento sa nasabing bilang ay HSW.

Kasama ring dumating ng mga opisyal nitong Sabado ang 87 distressed OFWs.

Sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA), lumapag ang sinakyang Philippine Airlines (PAL) flight 669 ng nasabing batch ng OFWs sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1,dakong 10:40 ng gabi. Sinalubong sila ng mga opisyal at kinatawan ng DFA at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Tumanggap ng tig-P5,000 cash assistance ang bawat OFW mula sa DFA at P5,000 naman mula sa DOLE. Bukod pa rito ang alok ng OWWA na P20,000 cash assistance na magagamit nila sa pagsisimula ng maliit na negosyo. - Bella Gamotea