PARIS (AFP) – Isang lalaki na may hawak na patalim at sumisigaw ng ‘’Allahu akbar’’ ang binaril at napatay ng mga pulis sa central Paris nitong Sabado ng gabi, matapos niyang pumatay ng isang katao at sumugat ng apat na iba pa. Iniimbestigahan na ang insidente.
Nangyari ang pag-atake malapit sa main opera house ng lungsod sa lugar na nakahilera ang mga bar, restaurant at sinehan at puno ng mga tao tuwing weekend ng gabi.
Sinabi French President Emmanuel Macron na: ‘’France once again pays the price of blood.’’
Ito ang huli sa serye ng pag-atake ng mga jihadist na yumanig sa France sa nakalipas na tatlong taon, at ikinamatay ng 245 katao.
Inako ng Islamic State ang pag-atake, ayon sa SITE monitoring group, ngunit hindi nagbigay ng patunay.
Inatake ng hindi pinangalanang lalaki ang limang katao gamit ang patalim, ayon sa pulisya. Dalawang ang nasa malubhang kalagayan at lahat ng mga biktima ay nasa ospital.