SA nakatakdang pagpapadala ni Pangulong Rodrigo Duterte ng grupo ng mga Pilipinong siyentista sa Philippines Rise sa darating na Mayo 15, siniguro ng isang propesor mula sa University of the Philippines (UP) na may kakayahan ang mga Pilipino upang magsagawa ng siyentipikong pananaliksik sa lugar.

“Yes, indeed we have the technical capability, meaning, the expertise,” pahayag ni Dr. Mario Aurelio, direktor ng UP National Institute of Geological Sciences, sa isang panayam nitong Miyerkules.

Sinabi ni Aurelio na matagal nang pinag-aaralan ng mga Pilipinong siyentista at mga mananaliksik ang underwater plateau sa Aurora, bago pa ito palitan ng pangalan ni Duterte ng Philippine Rise mula sa dating tawag dito na Benham Rise, halos isang taon na ang nakalilipas sa Mayo 16 sa pamamagitan ng Executive Order No. 25.

“Perhaps in the past, there was no awareness. The awareness then was not as high as now,” saad ng Direktor.

Ayon pa kay Aurelio, binabalak ng pamahalaan na magkaroon ng marine research vessels upang mapalakas ang kakayahan ng mga Pilipinong mananaliksik.

Aniya, kasalukuyan na itong pinag-aaralan sa isang roundtable discussion na kinabibilangan ng lahat ng sektor sa marine scientific research and exploration.

“At present, the Philippines does not have a comprehensive agenda that would incorporate all the sectors or all the perspective of scientific research from solid earth to atmospheric to meteorological,” ani Aurelio.

“And so the objective of this, what we call roundtable discussions now, is geared towards establishing the National Marine Research Agenda,” dagdag pa niya.

Ibinahagi rin ni Aurelio na kabilang sa National Marine Research Agenda (NMRA) ang pagpapaunlad ng kakayahan, tulad ng pagkakaroon ng mga kagamitan para sa research vessels at ang underwater drones o remote operated na mga sasakyan.

Ipinunto niya na mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na pondo upang maitatag ang NMRA, na maisasakatuparan sa pamamagitan ng isang executive order ng Pangulo.

“For now, we are thinking of the format of an executive order so that in the executive order, the budget goes together with the agenda,” sabi ni Aurelio.

Sa ngayon, sinabi ni Aurelio na ang ilan sa mga scientific research institutions ay umaasa lamang sa ahensiya na nagbibigay ng pondo, na “is not really very good.”

Aniya, ang isang MSR sa ibang bansa ay gagastos ng tinatayang P 3.8 milyon kada araw habang hindi bababa sa P5 bilyon ang kakailanganin upang magkaroon ng isang marine research vessel.

Sa nakatakdang MSR sa Philippine Rise, sinabi ni Aurelio na gagamitin ng mga siyentistang Pilipino ang apat na dekadang nang BRP Gregorio Velazquez, na donasyon pa sa atin ng Estados Unidos.

Nitong Huwebes, naakaalis na sa Albay ang BRP Gregorio Velasquez lulan ang grupo ng mga Pilipinong siyentista na magsasagawa ng pananaliksik, bagamat ang pormal na send-off ceremony, na pangungunahan ng Pangulo, ay isasagawa sa Casiguran sa Mayo 15.

“They will go northwards towards Benham Rise. It’s estimated about within three weeks from today. I think they are finishing on the 27th. That’s three weeks to travel and conduct survey,” paliwanag ni Aurelio.

Aniya, ang MSR sa Philippine Rise ay naglalayong “to understand several processes that occur in the oceans.”

“Essentially on oceanography, they study ocean currents and also the chemistry of the waters, like salinity and some other components,” dagdag pa niya. - PNA