Ni CHARISSA M. LUCI-ATIENZA

Para maiwasan ang constitutional crisis, irerekomenda ng chairman ng House Committee on Justice sa House Committee on Rules na huwag nang ipasa ang Articles of Impeachment sa Senado, kasabay ng babala na maaaring mapatalsik dahil “dereliction of duty” ang mga opisyal ng Judicial and Bar Council (JBC) na nag-shortlist sa noo’y aplikante sa pagka-Chief Justice na Maria Lourdes Sereno.

Sinabi ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali na nakahinga siya sa desisyon ng Supreme Court na pagbigyan ang quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida.

“Para sa akin, I feel so relieved that we need not go through the protracted and litigious process of Senate impeachment trial,” aniya sa isang panayam sa radyo.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

“Ako ang rekomendasyon na ibibigay ko sa Rules Committee ay tuldukan na natin ito. After all mas makakasama pa kung pagbotohan at iakyat namin yan sa Senado dahil baka magkaroon pa ng constitutional crisis,” ani Umali.

Sinabi niya na maaaring igiit ng ilang senador na mayroon silang jurisdiction sa usapin at susuwayin ang desisyon ng Supreme Court.

Sa botong 8-6 pabor sa petisyon ni Calida, idineklara ng SC na na bakante ang puwesto ni Sereno dahil sa kanyang kuwestiyonableng kwalipikasyon.

Sinabi ni Umali na tatalakayin niya kay House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas ang aksiyon ng Mababang Kapulungan sa usapin.

Kahit na maaari pang maghain ng motion for consideration ang kampo ni Sereno para baliktarin ang 8-6 ruling, kumpiyansa ang lider ng Kamara na muling kakatigan ang desisyon. “In all likelihood, the eight favorable votes will remain. Maybe, more (justices) will vote in favor,” wika ni Umali.

Nagbabala rin siya sa mga opisyal ng JBC na nag-shortlist kay Sereno na maaari silang i-impeach.

“Dereliction of duty ‘yan. Isipin mo nagkagulo ang buong sambayanang Pilipino. Itong issue na-divide ang taumbayan. Isipin mo (Salvacion) nagkagulo ang sambayanang Pilipino dahil sa ginawa nila. Lahat po ng appointees ay puwedeng matanggal po,” ani Umali, ex-officio member ng JBC.

Hinamon pa niya ang SC na silipin kung paano pinili ang shortlist ng mga kandidato para sa Chief Justice sa panahon ng administrasyong Aquino.

“Kaya nga po dapat kumilos na ang Korte Suprema dahil may supervision naman sila over JBC. Imbestigahan nila iyan. Ano ang ginawa nyo at pinalusot ninyo ‘yan. At iyan ba talagang nasa proseso lang ‘yang pagpapalusot n’yo?” ani Umali.

Ayon sa desisyon, nabigo si Sereno na maghain ng kanyang statements of assets, liabilities and net worth (SALN) nang siya ay nag-a-apply para maging CJ, na nagbunsod ng paghahain ni Calida ng quo warranto petition laban sa kanya.