Imposible na ang impeachment para kay Ombudsman Conchita Carpio Morales at pagsasayang na lamang ito ng oras, sinabi ng chairman ng House Committee on Justice kahapon.

Ayon kay Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, hindi nila maaaring aksiyunan ang reklamo na hindi inendorso ng mga mga miyembro ng Kamara.

“Kami no comment ako d’yan dahil wala nga, ni hindi nga umabot sa amin, papano na yan? At kung yan po ay merong mag-e-endorse nyan, eh iilang linggo na lang kami. Wala na kaming isang buwan dito sa second regular session, pagbalik namin ay retired na po siya,” aniya, sa isang panayam sa radyo.

Nakatakdang magreretiro si Morales sa Hulyo ngayong taon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Eh ano pang didinggin namin? Mag-aaksaya lang kami ng papel at oras sa walang kabagay-bagay na wala namang pupuntahan,” ani Umali.

Magbabalik ang sesyon ng Kongreso sa Martes, Mayo 15 hanggang sa Hunyo 1. Magsasara ito para sa sine die simula Hunyo 2 hanggang Hulyo 22.

Nagsuhestiyon si Umali na hintayin na lamang ng mga kritiko ni Morales ang kanyang pagreretiro sa serbisyo sa Hulyo sa halip na isulong ang pagpapatalsik dito.

Ang 94-pahinang impeachment complaint laban kay Morales ay isinampa ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), na kinatawan ni Atty. Manuelito Luna noong Disyembre 13, 2017.

Ngunit wala pang mambabatas na nag-eendorso sa petisyon, na nag-aakusang nagkasala si Morales ng betrayal of public trust, graft and corruption at culpable violation of the Constitution.

Para umusad ang isang impeachment complaint, kailangan itong ma-verify at iendorso ng mga mambabatas.

Nag-ugat ang impeachment complaint laban kay Morales sa umano’y paglabas ng bank records ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang basbas.

Nauna rito ay nagbanta ang Punong Ehekutibo na patatalsikin si Morales dahil sa umano’y selective prosecution. - Charissa M. Luci-Atienza