Sinulat at mga larawang kuha ni RIZALDY COMANDA
PAGLALAHAD ng kultura at tradisyon ng Banaue sa lalawigan ng Ifugao ang naging tampok sa pagdiriwang ng Imbayah Festival.
Sinimulan ang Imbayah Festival noong 1979 at sa katutubong kaugalian ay ipinagdiriwang ito tuwing ikatlong taon sa buwan ng Abril.
Ang Imbayah, na ang ibig sabihin ay katutubong awit kapag may napakahalagang okasyon, kagaya ng ritwal sa mga okasyon ng pagtatanim at pag-aani, bilang pasasalamat sa Maykapal, at iba pang pagtitipon at kapistahan.
Tuwing i k a t l o n g t a o n ay ipinadiriwang ng mga katutubo ang Imbayah ad Banaue, nagtitipun-tipon ang 18 barangay suot ang kanilang mga bahag at tapis at bitbit ang mga kagamitan na gaya ng sibat at itak.
Kasabay ng pagsikat ng festival na ito ang unti-unti ring pagkakakilala sa bayan ng Banaue, sa mayaman nitong kultura at pagiging magiliw sa mga bisita, lalung-lalo na sa mga banyagag nature lovers, na ang malimit puntahan ay ang naggagandahang rice terraces.
Ayon kay Mayor Jerry Dalipog, sa hangaring mapaunlad ang turismo at ekonomiya ng Banaue, ay ginawang institutionalized ang selebrasyon ng Imbayah sa pamamagitan ng resolusyon na isagawa na ang Imbayah Festival kada taon simula noong 2014.
Tampok sa selebrasyon ang kanilang presentasyon sa kahalagahan ng kultura at tradisyon na mula noon hanggang sa kasalukuyan ay kanilang isinasagawa.
Matatagpuan din dito sa Banaue ang mahuhusay na woodcarvers, na siya ring nagpasikat sa wooden scooters. Para sa kasiyahan ng mga bisita, ang mga woodcarver ay sumasakay ng kanilang scooter at nagkakarera mula sa Barangay Viewpoint pababa sa plaza.
May parada rin habang sumasayaw, gaya ng war dance at planting dance at indigenous games na gaya ng chicken fighting, pabilisan sa pagsibak ng kahoy, pagbabayo ng palay at pagtanggal ng ipa ng palay sa bigas at marami pang iba.
Ang Banaue Rice Terraces na mahigit nang 2,000 taon ang pinakasentrong atraksiyon mula sa downtown ng Banaue ganoon din ang Batad Rice Terraces at ang Bangaan Rice Terraces na ang disenyo ay mistulang isang amphitheater.