Ni Ric Valmonte
KAMING mga abogado ay inoobliga ng Korte Suprema na kumuha ng Mandatory Continuing Legal Education (MCLE). Kaya, tuwing ikatlong taon, dumadalo kami sa seminar para sa layuning ito. Nais ng Korte na malaman ng mga abogado ang mga bagong batas, ang kanyang mga bagong desisyon at mga pangyayari na may kaugnayan sa law profession. Bawat seminar ay may 36 na units na hinati sa apat na session, sa umaga at hapon. Sa bawat seminar ay hindi nawawala ang subject na Legal at Judicial Ethics na siyang may pinakamalaking unit. Madaling intindihin kung bakit ginawa ito ng Korte. Gusto nilang ang mga abogado, na nagpapractice ng batas o kaya gumaganap na hukom, ay hindi nalilihis sa moralidad at kagandahang asal, na siyang pangunahing katangian ng mga taong nasa tungkuling mapanaig ang katarungan.
Marami kaming kasong nalaman sa pagdalo sa MCLE na kinastigo o kaya pinatawan ng parusa ang mga abogado at hukom na lumabag sa pamantayan ng agham ng moralidad. May mga hukom na kinastigo dahil sa kanilang naging aksyon sa pagganap nila ng kanilang tungkulin. Ang kanilang ikinilos ay nagpakitang hindi sila patas o magiging patas sa pagtrato sa mga litigante o sa paghatol sa kaso. Sa mga desisyon ng Korte, sinabi nito na kahit walang batayan ang reklamo ng isang partido, pero, pinagdududahan na ang kakayahan ng hukom na magiging parehas ito sa kanyang pagtrato sa kaso, wala siyang dapat na gawin kundi ang bitiwan niya ito.
Pero hindi ganito ang ginawa ng ilang mahistrado ng Korte Suprema. Noong April 10 oral argument tungkol sa quo warranto petition na naglalayong patalsikin si dating CJ Sereno, ipinihawatig ni Associate Justice Samuel Martirez na iyong religious belief ni Sereno ay nagpapakita ng sakit sa kanyang kaisipan. Malayo ito sa isyung pinag-uusapan, kaya, pina-disqualify ni Sereno si Martirez na duminig ng kaso dahil kay Sereno, nakabuo na ng opinyon si Martirez tungkol sa kanyang kakayahang manungkulan bilang Chief Justice. Bukod kay Martirez, pina-disqualify din niya sina AJ Teresita Leonardo de Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza at Noel Tijam. Ang mga ito ay nauna nang tumestigo laban kay Sereno sa House Committee on Justice na duminig sa impeachment complaint. Bukod sa hindi pinagbigyan ng mga mahistrado ang kahilingan ni Sereno na sila ay mag-inhibit sa kaso, bumoto pa sila pabor sa quo warranto na nagpatalsik dito. Ito ang napakalaking problema naming mga abogado, mabagsik ang mga mahistrado na magdidisiplina sa mga abogado at hukom na lumabag sa legal o judicial ethics. Kapag may duda ang liligante sa kanyang pagiging patas, kahit walang batayan, bitiwan mo ang kaso, sabi nila sa mga hukom. Malinaw ang dahilan para pagbigyan nila ang kahilingan ni Sereno, bakit nila ito binigo? Sa kanila, walang ethics. Balewalang ituro pa ito sa MCLE.