NAKOPO ng PayMaya ang ikalawang sunod na panalo nang pabagsakin ang titleholder Pocari-Air Force, 25-20, 25-19, 25-22, nitong Sabado sa Premier Volleyball League Reinforced Conference sa People’s Gym sa Tuguegarao City.
Kumamada si Tess Rountree ng 16 kills at dalawang blocks para sa masundan ang impresibong 22 puntos na performance sa unang panalo ng koponan sa Tacloban sa nakalipas na lingo.
“Maganda ‘yung ginalaw ng team. Kumpara doon sa first game namin, mas kaunti ‘yung mistakes, ‘yung errors. ‘Yung imports naman very determined lang talaga kasi alam din nila na they could play better than last time tapos defending champions nga ‘yung kalaban namin,” sambit ni PayMaya coach Roger Gorayeb.
“Hindi naman bago ‘yung mga laruang back-to-back. Siguro, mas pagod kami nang kaunti, pero ganoon din naman ‘yung kalaban,” aniya.
“We just have to stay prepared for Creamline tapos hindi magpadala sa crowd nila. Nakita naman na namin ‘yung first game nila, mukang marami din silang fans ditto.”
Nanguna si Myla Pablo sa Pocari Sweat-Air Force sa naiskor na 12 puntos.
Nasopresa naman ng Banko Perlas ang crowd favorite Creamline, 22-25, 25-16, 25-23, 17-25, 15-11, para simulan ang kampanya sa impresibong pamamaraan.
Kumubra si Thai import Jutarat Montripila ng 29 puntos, 13 digs at 10 excellent receptions para sa BanKo Perlas.
Kumana naman sina Kuttika Kaewpin ng 22 puntos, Alyssa Valdez na may 20 puntos, at Michele Gumabao na may 10 puntos sa Creamline.