NAKIISA ang Pilipinas sa pandaigdigang panawagan upang tuldukan ang polusyon sa plastik, kasabay ng pagdiriwang ng unang anibersaryo ng pagiging bahagi ng bansa sa Paris Agreement on Climate Change. Ang Pilipinas ang ika-138th nasyon sa Paris Agreement noong Abril 22, 2017, isang buwan matapos ilagak ng Philippine Mission to the United Nations ang Instrument of Accession noong Marso 23, 2017.
Plastic pollution ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ng Earth Day sa buong mundo, na nakatuon sa masamang epekto ng lahat ng klase ng plastik hindi lamang sa mga bansang apektado kundi pati na rin sa mga karagatan sa buong mundo. Sa isang ulat mula sa mga siyentista na nagsasagawa ng pananaliksik sa isyu sinasabi na tinatayang walong milyong tonelada ng plastik— mula sa mga shopping bags, food wrappers, mga laruan at iba pa ang napapadpad sa mga karagatan kada taon mula sa 192 baybaying bansa.
Ang China ang sinasabing responsable sa karamihan ng polusyon sa karagatan sa 30 porsyento nitong ambag sa kabuuan, na sinundan ng Indonesia, Pilipinas, Vietnam, Sri Lanka, Thailand, Egypt, Malaysia, Nigeria, at Bangladesh. Nasa ika-18 puwesto ang mga baybaying bansa na kasapi ng European Union. Habang ang Estados Unidos ay nasa ika-20. Ang polusyon sa plastik ay pumapatay sa malaking bilang ng mga seabirds, marine mammals, sea turtles at iba pang uri ng hayop.
Ang pandaigdigang paggamit ng plastik ay hindi lamang nagdulot ng polusyon sa mga karagatan sa buong mundo at sa mga naninirahan hayop dito. Pinalalala rin nito ang climate change, ayon sa Climate Change Commmission ng Pilipinas. Ang pagbubutas para makakuha ng langis at ang pagproseso ng plastik ay naglalabas mapaminsalang kemikal sa kapaligiran, katulad ng carbon monoxide, hydrogen sulphide at methane, na isang klase ng greenhouse na mas nakapagpapainit sa kapaligiran kumpara sa carbon dioxide.
Sinimulan nang aksiyunan ng mga pamahalaan at ng iba pang pribadong korporasyon sa buong mundo ang problemang ito. Sa Britanya, mahigit 40 kumpanya na responsable sa halos 80% ng plastic packaging sa bansa ang lumagda sa isang kasunduan upang mabawasan ang polusyon sa plastik sa loob ng susunod na pitong taon, kabilang ang paggamit ng reusable o recyclable na plastic packaging. Plano rin ng pamahalaan ng Britanya na ipagbawal ang pagbebenta ng mga plastic straw stirrers at ibang mga plastik na kagamitan na isang beses lang nagagamit.
Sa Pilipinas, maraming malaking tindahan ang nagsimula nang ipagbawal ang mga plastic bags at isinulong ang paggamit ng mga recyclable na lalagyan na gawa sa tela o papel at iba pang klase ng materyales tulad ng buri at dahon ng niyog. Nakahain na rin sa Senado ang Plastic bags Regulation Act na inakda ni Sen. Loren Legarda, kasama ang suporta ng Climate Change Commission.
Ang pangdaigdigang kampanya laban sa polusyon sa plastik ay nararapat na mabigyan ng malakas na suporta, hindi lamang mula sa gobyerno, ngunit higit sa lahat ng mamamayan. Kinasanayan na natin ang paggamit ng plastik upang palitan ang iba pang mga bagay na mayroon tayo—tulad ng kahoy na kobyertos, paper bags at lubid na abaca, palayok, at mga sapatos. Panahon na upang humanap tayo ng paraan upang maisalba ang ating mundo at ang kapaligiran sa pamamagitan ng pagbalik sa paggamit ng mga biodegradable materials.