Ni Mike U. Crismundo

BUTUAN CITY - Hindi na pipila sa mga automated teller machine (ATM) ang mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Caraga region.

Ito ang ipinangako ng kagawaran kasunod ng pagtiyak na makukuha na ng mga benepisyaryo ang subsidiya sa susunod na linggo matapos ang mahigit isang buwang pagkakaantala nito.

Paliwanag ni DSWD-13 Director Mita Chuchi Gupana-Lim, ang pagkakabalam ng pagpapalabas ng over-the-counter (OTC) transactions ay bunsod na rin ng synchronized payout sa 4Ps grant at unconditional cash transfer (UCT).

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nakatakda na aniyang ilabas sa Mayo 16 hanggang Hunyo 30 ang bayad ng mga benepisyaryo, na makukuha lamang sa pamamagitan ng OTC system. Aniya, saklaw nito ang 2nd quarter calendar year 2018.

Ipinaliwanag ni Lim na hindi lamang sila ang Caraga ang apektado ng sistema kundi pati na rin ang iba pang lugar na naghihintay ng resolusyon sa nararanasan nilang technical problems sa national level.

Sa tala ng DSWD, aabot na sa 180,000 pamilya ang aktibong benepisyaryo ng 4Ps sa Region 13.