Ni CZARINA NICOLE O. ONG
Nahaharap na naman sa panibagong kasong kriminal si dating Puerto Princesa, Palawan Mayor Edward Hagedorn makaraang hindi niya isauli sa pamahalaan ang 14 na Armalite rifle kahit natapos na ang kanyang termino noong 2013.
Kinasuhan si Hagedorn ng malversation of public property sa 3rd Division ng Sandiganbayan.
Sa iniharap na charge sheet, tinukoy ni Graft Investigation and Prosecution Officer III Jane Ong na nilabag ni Hagedorn ang Article 217 ng Revised Penal Code (RPC).
Sa reklamo, binanggit na ginamit umano ni Hagedorn ang kanyang posisyon nang mabigo siyang akuin ang responsibilidad sa naturang mga armas na pag-aari ng pamahalaan, noong Hulyo 1, 2013.
Ang binanggit na mga baril ay nagkakahalaga ng P490,000.
“Hagedorn willfully, unlawfully and feloniously consented and permitted another person to take for his own personal use and benefit the said rifles by failing to return it after his term as city mayor,” saad sa reklamo.
Itinakda ng anti-graft court ang piyansang P40,000 para sa pansamantalang paglaya ng dating alkalde.
Matatandaang sinampahan na rin si Hagedorn ng siyam na graft case, siyam sa breach of conduct, at siyam pang perjury sa 5th Division nang mabigong ideklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Networth (SALN) ang kanyang mga ari-arian, sasakyan, at negosyo.