Nina REY G. PANALIGAN at BETH CAMIA, ulat nina Jeffrey G. Damicog at Argyll Cyrus B. Geducos
Sa unang pagkakataon simula nang maitatag noong 1901, nagpasya kahapon ang Supreme Court (SC) na patalsikin ang Punong Mahistrado nito makaraang katigan ang petisyon ng abogado ng gobyerno na humihiling ng diskuwalipikasyon at pagpapatalsik dito sa puwesto.
Sa espesyal na full court session nito kahapon, walong mahistrado ng Korte Suprema ang bumoto upang patalsikin si Maria Lourdes P. A. Sereno bilang pinuno ng Kataas-taasang Hukuman. Anim na mahistrado naman ang kumontra rito.
“Wherefore, the petition for quo warranto is granted. Respondent Maria Lourdes P. A. Sereno is found disqualified from and his hereby adjudged guilty of unlawfully holding and exercising the office of the Chief Justice. Accordingly, respondent Maria Lourdes P. A. Sereno is ousted and excluded therefrom,” saad sa pasya ng SC.
Idineklara ring bakante ang posisyon ng Chief Justice, at inatasan ang Judicial and Bar Council (JBC) na agarang simulan ang proseso sa aplikasyon at nominasyon para sa susunod na punong mahistrado.
“The decision is immediately executory without need of further action from the court,” saad pa sa desisyon ng SC.
IMPEACHMENT NAUNSYAMI
Ayon sa mga legal expert, dahil sa pagpapatalsik sa puwesto kay Sereno ay mawawalan na ng silbi ang anim na articles of impeachment na nakabimbin sa justice committee ng Kamara, na isusumite sana sa Senado para sa impeachment trial.Isinulat ni Justice Noel G. Tijam, ang pitong iba pang mahistradong pumabor sa quo warranto ay sina Justices Teresita J. Leonardo de Castro, Diosdado M. Peralta, Lucas P. Bersamin, Francis H. Jardeleza, Samuel R. Martires, Andres B. Reyes Jr., at Alexander G. Gesmundo.
Bumoto naman kontra sa petisyon sina Senior Justice Antonio T. Carpio, Justices Presbitero J. Velasco Jr., Mariano C. del Castillo, Estela M. Perlas Bernabe, Marvic Mario Victor F. Leonen, at Alfredo Benjamin S. Caguio.
Hiling ang diskuwalipikasyon at pagpapaalis sa puwesto kay Sereno sa kabiguang makumpleto ang requirements ng JBC sa paghahain ng 10-taong Statements of Assets, Liabilities, and Networth, ang petisyon ay inihain ni Solicitor General Jose Calida, na kaagad na pinuri ang naging pasya ng SC.
“The Supreme Court Decision ousting Maria Lourdes Sereno augurs well for the country as it preserves the stability and integrity of the Judiciary,” saad sa pahayag ni Calida. “This Decision is the epitome of its exercise of judicial independence.”
‘KUNG TUTUUSIN, PANALO TAYO!’
Sa kabila nito, naniniwala si Sereno na nanalo siya sa kaso dahil dapat umanong nag-inhibit sa kaso ang anim sa walong bumoto pabor sa quo warranto—kaya kung tutuusin, aniya, ay dalawa lang ang kumatig sa petisyon at anim ang nagbasura rito.
“Walo po ang dapat bumoto sa kaso ng quo warranto, dahil ang anim ay dapat nag-inhibit, ayon sa rules ng compulsory inhibition. Kaya kung tutuusin panalo tayo,” sinabi ni Sereno sa harap ng kanyang mga tagasuporta pasado tanghali kahapon.
“Inaalis ako sa puwesto ngunit ang anim na boto na ako ay dapat na manatili ay patunay na tama ang aking paninindigan, ang inyong paninindigan,” sabi pa ni Sereno. “Kaya’t ang araw na ito ay hindi kabiguan kundi isang tagumpay sapagkat ipinakita ng lahat ang inyong lakas na kayo ay nasa panig ng katotohanan laban sa makapangyarihan. At habang tumitindig tayo para sa matuwid hindi tayo kalian man magiging talunan.”
“Inangkin nila (SC justices) ang tanging karapatan ng Senado, tahasang nilabag ang sinumpaang tungkulin na pag-ingatan ang Saligang Batas at winasak ang hudikatura,” sabi pa ni Sereno.
Inihayag naman ng mga abogado ni Sereno na maghahain sila ng motion to reconsider kaugnay ng desisyon ng SC.
Samantala, umapela naman ang Malacañang sa publiko na irespeto ang naging pasya ng SC.