Ni Ric Valmonte
NAKATUTOK ako kahapon sa isang programa sa telebisyon, na sumusubaybay sa nangyayari sa Korte Suprema. Kamakailan, nasa Baguio ang mga mahistrado dahil naging kalakaran na kapag mainit ang panahon ay dito nila isinasagawa ang kanilang tungkulin. Ayon kay ex-Chief Justice Maria Lourdes Sereno, ang pananatili nila sa Baguio ay nakalaan para sumulat sila ng mga desisyon. Ngunit, sinamantala ito para pag-aralan at pagdesisyunan ang quo warranto case laban sa kanya. Mula sa Baguio, bumalik ang mga mahistrado sa Maynila at dito nila pinagdesisyunan ang quo warranto case ni Sereno.
Sa botong 8-6, kinatigan ng Korte Suprema ang quo warranto at pinatatalsik ang Punong Mahistrado. Ang dahilan, simula’t sapul ay ilegal at walang bisa ang pagkakahirang sa kanya. Kulang daw ang kanyang Statement of Assets and Liabilities (SALN) na isinumite sa Judicial Bar Council at ito ay may kaugnayan sa kanyang integridad upang mamuno sa hudikatura. Pero, sino ba sa mga nasa gobyerno ang nagsusumite ng kanilang SALN kung hindi lang sila mahahabla? Eh, kung si Associate Justice Teresita Leonardo de Castro ay hindi rin nagsumite ng kanyang kumpletong SALN nang kumandidato siya sa pagka-chief justice.
Ang mga nagprotesta laban sa quo warranto ni Sereno ay mga abogado. Ang Integrated Bar of the Philippines, na samahan ng lahat ng mga abogado sa Pilipinas sa bansa, at mga dean ng school of law ng mga kolehiyo ay tutol sa quo warranto bilang paraan ng pagpapatalsik kay CJ. Kasi, iisa lang ang paraan ng pagpapatalsik sa kanya at sa mga kapwa niya impeachable officers. Base sa Saligang Batas, ito ay sa pamamagitan lamang ng impeachment. Eh, ito na dinagdagan ang proseso. Maliwanag na ang desisyong ito ng Korte Suprema, na ang quo warranto bilang pamamaraan ng pagpapatalsik sa Punong Mahistrado, ay paglabag sa Saligang Batas. Sino ang matinong abogado na kakatig sa ginawang ito ng Korte Suprema?
Tungkulin ng mga abogado na panaigin ang Saligang Batas. Tungkulin nilang ipagtanggol at itaguyod ang rule of law. Kahit ang mga mahistrado na nagpasiya ng quo warranto bilang pinakamataas na mga opisyal ng gobyerno na naggagawad ng katarungan ay nasa ilalim ng rule of law. Hindi makatarungan ang paglabag sa Saligang Batas. Batas ito ng mamamayan at nasa kamay nito ang lahat ng kapangyarihan ng gobyerno. Sa botong 8-6, kinatay ng Korte Suprema ang demokrasya.