INILABAS nitong Lunes ng Philippine National Police (PNP), na kasalukuyang pinamumunuan ni Director General Oscar Albayalde, ang “tunay na bilang” ng kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga sa bansa. Simula Hulyo 1, 2016 hanggang Abril 30, 2018, ayon sa PNP, nasa 4,251 pinaghihinalaang sangkot sa droga ang napatay. Sa naunang ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong nakaraang buwan, sinasabing hanggang nitong Marso 20, 2018, umabot sa 4,074 na ang kabuuang bilang ng mga namatay—ibig sabihin, 177 ang napatay noong nakaraang buwan.
Naging kontrobersiyal ang unang dalawang taon ng kampanya laban sa ilegal na droga dahil sa kawalan ng abilidad o pagtanggi ng PNP na ilabas ang resulta ng mga operasyon nito. Ang tanging nasasaksihang pangyayari ng publiko sa mga lansangan sa Metro Manila at sa maraming bayan at lungsod sa bansa ay ang mga bangkay na napatay sa operasyon ng pulis, kabilang ang mga menor de edad, katulad ni Kian delos Santos ng Caloocan City. Maging ang mga taong nasa loob na ng kulungan ay napapatay sa mga raid.
Sa hindi opisyal na bilang na inilabas sa mga naunang buwan ng kampanya, tinatayang nasa 9,000 ang bilang ng namatay base sa ulat noong Oktubre, 2017, hanggang sa “hindi opisyal na bilang” na 14,000 sa isa pang ulat, at 20,000 ayon naman sa isang senador. Hindi ito nakatulong sa sinasabi ng PNP na walang kaso ng “extrajudicial killing” o EJK, na iginigiit ang lumang depinisyon na ginamit ng nakaraang administrasyon na ang EJK ay pagpatay kung saan ang biktima ay kumilos sa pulitikal na dahilan.
Sa isang kaso na isinampa sa Korte Suprema, na kumukuwestiyon sa pagiging konstitusyonal ng kampanya ng PNP, ipinag-utos ng korte na maglabas ang ahensiya ng mga dokumento tungkol sa bilang ng mga taong napatay, kung kailan ito nangyari, at saang lugar. Ngunit naghain naman ang Solicitor General, na kumakatawan sa PNP, ng isang mosyon upang muling isaalang-alang ang utos ng SC, sa katwirang ang mga dokumento ay naglalaman ng mga sensitibong impormasyon na may kinalaman sa pambansang seguridad.
Ngayon na ang PNP, sa ilalim ng pamamahala ni Director General Albayalde, ay tila mas bukas kaya wala nang rason upang maantala pa ang mga dokumento na hinihingi ng Korte Suprema. Kailangan na mas maging lantad ang PNP sa mga operasyon nito, lalo na’t ang mga kalabisang nagawa ng pulisya sa umpisa ng kampanya ay tila naitama na.
Ang kakulangan sa pagiging bukas sa unang mga buwan ng kampanya laban sa ilegal na droga ang nagdulot upang magpahayag ng pagkabahala ang ilang mga pinuno ng ibang mga bansa, kabilang ang Estados Unidos, ang European Union, at ang United Nations. Kailangang maging handa tayong harapin ang mundo habang ipinatutupad ang kampanya na wakasan ang mapanganib ng ilegal na droga sa ating bansa, isang problemang kinakaharap din ng maraming bansa ngayon.