Ni Clemen Bautista
SA kasaysayan ng pulitika sa mga barangay sa Pilipinas, ngayong ika-12 ng Mayo ay mahalaga sapagkat huling araw na ng kampanya ng lahat ng kandidato sa halalan na idaraos sa ika-14 ng Mayo, 2018. Pipili ang mga mamamayan sa mga barangay sa iba’t ibang bayan sa buong bansa ng mga barangay chairman at ng mga kagawad na maasahang maglilingkod nang maayos at matapat. Papalitan ang mga mga lider na ang paglilingkod ay nabatikan ng pagsasamantala. Halos isuka at isumpa ng kanyang mga nasasakupan sa barangay. Maging ang mga kabataan ay pipili at boboto ng matitino at maaasahansg SK chairman at mga kagawad.
Sa nakalipas na ilang araw mula nang umpisahan ang political campaign sa mga barangay nitong Mayo 4, 2018, ang mga kandidatong kapitan at mga kagawad ng barangay ay hindi naiiba ang istilo at sistema ng kampanya ng mga sirkero at payaso sa pulitika. Ang mga tagasuporta ng mga kandidatong chairman ay nagsabit at nagkabit ng makukulay na tarpaulin ng mga kandidato. Sa harap ng mga tindahan, mga bakod ng bahay at mga istratehikong lugar sa barangay. Sa mga tarpaulin, magkasama ang larawan ng kadidato sa pagka-chairman at ng pito nitong kagawad. Magkakatulad ang kulay ng suot na polo shirt o T-shirt. May maganda at maayos ang ngiti at may nakangiti-ngiwi. May kandidato naman na nag-iisa sa tarpaulin. Ang mga tagasuporta ng mga kandidato ay nagbabahay-bahay o house to house campaign, kasama ang mga kandidato, at namimigay ng polyeto.
Sa mga barangay sa lalawigan, ang kampanya ng mga kandidato ay nakakarating sa mga sitio na sakop ng barangay. May mga nasa bundok, may nasa Talim Island at tabi ng Laguna de Bay tulad sa Rizal. May 188 barangay sa nasabing lalawigan.
Sa ibang mga barangay lalo na sa mga lungsod, kahit bawal magkabit ng tarpulin ng mga kandidato sa mga punongkahoy, hindi naawat ang mga pasaway na lider ng mga kandidato. May mga hindi rin sumunod na sa common poster area magsabit o magsikit ng tarpaulin at political poster.
Sa mga barangay na maraming pabrika, business establishment at malaki ang natatanggap na internal revenue allotment (IRA), kapansin-pansin na maraming kandidato sa pagka-barangay chairman at mga kagawad. Kadalasan ay may tatlo hanggang apat na kandidato sa pagka-chairman. Sa pangangampanya, may political jingle pa ang mga kandidato. Umaga at hapon, pinatutugtog ng umiikot na sasakyan sa barangay.
May mga kandidato naman ang nagpupunta sa mga kapilya ng Iglesia ni Cristo upang hilingin at makiusap sa pastor na sila ang suportahan at iboto ng mga miyembro ng INC. Isang karaniwang gawain at nangyayari sa panahon ng local at national election. Malaki ang paniwala na ang mga kandidatong napili ng INCay tiyak ang panalo, lalo na sa local election. Ganito rin ang paniwala ng mga kandidato sa barangay election.
Kaya, halos nagkakasabay ang mga kandidato sa pagpunta sa mga kapilya ng INC upang kausapin ang pastor. Ngunit ang sinusuportahan at pinapaboran ng INC ay ang mga kandidato na sa paniwala nila ay dapat na iboto matapos magsagawa ng survey o background information sa buhay, ugali at karakter ng kandidato. Nalalaman ng mga kandidato at ng kanilang mga lider kung sinu-sino ang susuportahan ng INC isang linggo o ilang araw bago ang eleksiyon. Nakasulat sa mga sample ballot ang mga pangalan ng mga kandidatong iboboto. Ibinibigay sa mga miyembro ng INC.
Sa huling araw ng kampanya, asahan na ang puspusan na
pangangampanya ng mga kandidato. Gayundin ang istratehiya ng mga lider at supporter ng mga kandidato. Sa mga barangay sa lalawigan, todo rin ang kampanya ng mga kandidato at ng mga lider. Pupuntahan at makikiusap sa mga kamag-anak at kaibigan sa barangay. Marami ang umaasa na wala sanang maganap na karahasan sa huling araw ng kampanya. Ipamalas ng mga kandidato at ng mga lider ang pagiging tunay na Pilipino na mapagmahal sa kapayapaan at demokrasya.