NI EDWIN ROLLON
KABILANG ang Bicycology Shop sa 30 sports and fitness exhibitors sa nakiisa sa isinagawang 2018 FitTest na nagbukas kahapon sa The Tent ng makasaysayang Manila Hotel.
Sa pangangasiwa ng magkasanggang sina Olympian swimmer at triathlon enthusiast Eric Buhain at road race rider John Garcia, nakibahagi ang Bicycology shop sa programa na inorganisa ng Affiliate Alliance, sa pakikipagtulungan ng Manila Bulletin sa hangaring makapagbigay ng sapat na kaalaman para sa pagbili at paggamit ng tamang bisikleta sa pangangailagan ng rider.
“Hindi kliyente kundi kaibigan ang turing naming sa mga bikers na nagpupunta sa shop. Hindi kami yung basta magbebenta ng mahal na bisikleta. Tatanungin muna naming yung kliyente kung ano ang purpose niya sa pagbili ng bike.
Kung para sa training and exercise lang meron kaming nakahanda dyan. Pero kung pang-competion, may high-end naman kami sa akma sa kanila,” pahayag ni Garcia.
“Yung bawat detalye sa kabuuan ng bike, ipaliliwanag ko ‘yan para makita ng kliyente na gusto naming makuha nila yung bike na akma para sa kanila hindi yung basta nakapagbenta lang,” aniya.
Sa Fittest 2018, nakadisplay ang high-end bike, accessories at apparels. Handa rin ang brochure na naglalaman ng iba’t ibang brand ng bike na nais ng mga bikers na bibista sa FitTest 2018.
Iginiit ni coach Xi Tabalan, isa sa nag-organisa ng FitTest, na layunin ng programa na mapalaganap ang kahalagahan nang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan.
“It starts on regular exercise and proper diet. Siyempre yung uri ng lifestyle malaking epekto sa kalusugan ‘yan.
Here in Fittest, mapapanood nila ang crossfit competition na nangagailagan ng tamang paghahanda hindi lamang ng kalusugan ng katawan kundi pati nang kaisipan,” sambit ni Tabalan.
“Iniimbitahan naming ang lahat kahit hindi pa full-time sports and fitness enthusiast to come and dropped by here to witness personally the different activities. From food supplement, vitamins, apparels and sports equipment makikita nila rito,” pahayag ni Tabalan.
Bukod sa Bicycology shop, sponsors at exhibitors din ang Progenix/FitAid, Red bull, Oishi, MILO, Genecol/Totum, Boxfit, Supplementhub, WODX, Heron Athletics, PRX, Sun Life, Spartan Race, Hollowrock, Reliv, Muscle Wraps, Gearbox, Gorilla Grips, Ger Greens, Decathlon, Columbian Sports, All brew Coffee, Ensayo, PlayHard, RockTape, Core Dynamics, Vespa at Philips.
Bukas ang FitTest hanggang 8:00 ng gabi ngayon.