Ni Bella Gamotea
Nasa 20,000 pulis ang ipakakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong Metro Manila para magbigay ng seguridad sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Lunes.
Inihayag ni NCRPO Regional Director Camilo Cascolan na “all systems go na” ang pulisya sa Metro Manila at may posibilidad pang magtaas ng alert level bago ang halalan.
Nilinaw ni Cascolan na walang itinuturing na hot spot areas sa Metro Manila, subalit hindi pa rin makakampante ang mga pulis dahil may dalawa o tatlo pa ring special areas of concern.
Samantala, sa naturang bilang ng mga pulis 16,000 ang itatalaga sa mga polling precint, habang magsisilbing emergency response team ang natitirang 4,000.
Sinabi ni Cascolan na boluntaryong sumali sa ikinasang drug test challenge ng pulisya sa Quezon City ang 400 kandidato.Hindi muna ilalabas ng pulisya ang mga pangalan ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa ilegal na droga upang maiwasang masira ang mga posibleng sorpresang operasyon ng awtoridad.