Ni Merlina Hernando-Malipot
May kabuuang 170 pribadong eskuwelahan sa National Capital Region (NCR) ang pinayagan ng Department of Education (DepEd) na magtaas ng matrikula ngayong school year.
Sa datos na ibinigay ni NCR Officer-In-Charge Wilfredo Cabral, sa 16 na school division sa Metro Manila, pinayagang magtaas ng matrikula ang mga pribadong paaralan sa 15 division para sa School Year 2018-2019.
Sa Division sa Maynila, 36 na eskuwelahan ang inaprubahang magtaas-matrikula, 51 sa Quezon City, tatlo sa Pasay, lima sa Caloocan, anim sa Mandaluyong , 11 sa Marikina, anim sa Makati, 14 sa Pasig City, lima sa Parañaque, anim sa Las Piñas City, lima sa Valenzuela, dalawa sa Malabon, walo sa Taguig/Pateros, lima sa Muntinlupa, at pito sa San Juan.
Wala namang pribadong paaralan sa Navotas ang pinahintulutang magtaas ng tuition fee.
Hindi pa natataya ng DepEd Central Office ang kabuuang bilang ng mga pribadong paaralan sa iba pang mga rehiyon na inaprubahang magtaas ng matrikula ngayong school year.