Ni Ric Valmonte
AYON kay Pangulong Duterte, ito ang sinabi ng China sa kanya: “Poproteksyunan kita. Hindi namin hahayaang masira ang Pilipinas. Nandito lang kami at pwede kayong humingi ng tulong sa amin kahit anong oras.”
Hindi, aniya, mapoprotektahan ng United States ang Pilipinas dahil takot ito sa digmaan. “Totoo, wika pa ng Pangulo, “may missiles ang Amerika, pero mga sundalo? Allergic siya dito. Marami nang giyera na natalo ito. Hindi tayo poproteksyunan nito.” Kapag nakipag-usap ka, aniya, sa China o Russia, pangangalagaan nila ang kanilang salita, na naririto sila para sa Pilipinas kapag kinakailangan.
Ang mga tinuran ng Pangulo ay may kaugnayan sa pagpapakalat ng China ng missiles sa West Philippine sea. Ang bahagi ng karagatan sa loob ng 370-kilometer exclusive zone sa South China Sea ay naiulat na nilapagan ng China ng mga military planes at nagkalat ng anti-ship cruise missiles at surface-to-air missile systems. Ito ang kanyang reaksyon sa mga nagnanais na magsampa ang bansa ng diplomatic protest laban sa China.
Ang pangako ng Pangulo noong panahon ng halalan ay ipagtatanggol niya ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea. Magjejet-ski raw siya patungo dito at itatanim niya ang ating bandila. Bakit niya ngayon hinayaan ang China na makagawa ng isla sa karagatang ito at gawing military facilities?
Dumistansya siya sa Amerika sa pagkabahala nito sa pagpapairal niya ng war on drugs. Pinigil ng mga ilang senador ng Amerika ang pagbebenta sa Pilipinas ng mga assault rifle bagamat may military treaty ang dalawang bansa sa takot na gamitin ang armas laban sa mga Pilipino. Kaya sa China at Russia siya kumuha ng mga armas. “Hanggang ngayon, ang China at Russia ay hindi humingi ng kahit isang lapis o papel bilang kapalit. Pero, sinabi ko sa kanila na hindi ako handa na pumasok sa military alliance sa kanila dahil may kasunduan ako sa Amerika,” sabi ng Pangulo.
Ang problema, hindi nga humingi ng kahit anong lapis o papel ang China at Russia para sa ibinigay nilang armas, ang kapalit naman ay ang ating mga teritoryo. Hinayaan itong maging military facilities ng China at dito natin iaasa ang seguridad. Naniniwala siya na poproteksyunan tayo ng China. Kahit totoo ito, sino naman ang magpoprotekta sa atin laban sa China? Laging tanong sa bansang umaasa ng proteksyun sa ibang bansa: Who will protect us from our protector?