Nina BETH CAMIA at BELLA GAMOTEA
Madidiskuwalipika ba at tuluyang mapapatalsik sa puwesto si Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno ng sarili niyang mga katrabaho sa Supreme Court (SC), o haharap siya sa impeachment trial sa Senado?
Malalaman na ang kasagutan ngayong Biyernes sa paghaharap ng mga mahistrado sa full court session upang talakayin at desisyunan ang diskuwalipikasyon at pagpapatalsik sa puwesto kay Sereno, alinsunod sa kasong quo warranto na inihain ni Solicitor General Jose C. Calida.
Inaasahan nang maghaharapan sa pagpoprotesta ang mga pabor at kontra sa quo warranto, sa harap ng Korte Suprema sa Padre Faura Street sa Ermita, Maynila.
Magsasagawa ng rally ang militanteng grupong Sanlakas upang kondenahin ang anila’y panibago at malinaw na pagtatangka ng gobyerno sa pakikipaglaban sa kapangyarihan mula sa hudikatura.
Nabatid na may visual gimmick at host speakers din mula sa organisasyon ng kababaihan, urban community at iba pang sektor.
Dakong 9:00 ngayong umaga ay magtitipun-tipon ang daan-daang raliyista sa Cosmopolitan Church (United Church of Christ) sa Taft Avenue at tatawid sa Philippine General Hospital bago magmamartsa patungong SC upang sumama sa iba pang grupo—at tatawagin itong Jericho March for Justice.
Kaugnay nito, kahapon pa lamang ay kinabitan na ng mga pulang ribbon ang gate ng Korte Suprema, bilang simbolo ng panawagang magbitiw na sa tungkulin si Sereno.
Sa abisong ipinabatid kahapon ng Supreme Court Employees Association (SCEA), ikinasa nila ang Red Thursday at Red Friday naman ang mismong araw ng botohan ng mga mahistrado sa quo warranto.
Ayon sa SCEA, ipagdarasal nila na ang magiging desisyon ng mga mahistrado ay para sa pananaig ng katotohanan at kabutihan ng Korte Suprema.
May mga espekulasyon na pagbibigyan ng SC ang petisyon ni Calida, na nagpapawalang-bisa sa pagkakatalaga ng Punong Mahistrado.
Noong nakaraang linggo, sinasabing siyam na mahistrado ang boboto pabor sa petisyon, tatlo ang kokontra at dalawa ang hindi boboto.
Subalit kahapon, may mga espekulasyong 10 mahistrado ang papabor sa quo warranto, at apat ang kokontra.
Tinapos na ang kanyang indefinite leave at balik-trabaho na nitong Miyerkules, nabatid na pangungunahan ni Sereno ang full court session ngayong araw, subalit mag-i-inhibit sa deliberasyon sa quo warranto laban sa kanya.