Ni Mary Ann Santiago
Nagpaalala kahapon ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato na ang pamimigay ng sample ballots sa mismong araw ng halalan sa Lunes ay isang paglabag sa batas, dahil isa itong uri ng pangangampanya.
Ito ang ipinaalala ni Comelec Commissioner Luie Tito Guia, kaugnay ng pagtatapos ng campaign period bukas, Mayo 12.
“Nakikita nga po natin na maraming ganu’n (namimigay ng sample ballots), papasok sa mga eskuwelahan. Hindi po puwede ‘yun, at dahil pangangampanya ang dating noon,” sinabi ni Guia sa panayam ng telebisyon.
‘WAG TANGGAPIN
Pinayuhan din ni Guia ang mga botante na huwag tatanggapin ang mga sample ballot na ibinibigay ng ilang kandidato at kanilang mga tagasuporta, at sa halip ay maghanda na lang ng sariling kodigo o listahan ng mga iboboto.
“Mas maganda kung ‘wag tanggapin, at ‘yun nga, ang sinasabi namin, sila na mismo ang gumawa ng sariling kodigo,” ani Guia.
Alinsunod sa election rules, mahigpit nang ipinagbabawal ang pangangampanya simula sa Mayo 13, bisperas ng eleksiyon, at sa mismong araw ng halalan.
BAKLASAN NA
Kaugnay nito, ipinag-utos na ng Comelec ang pagtatanggal ng campaign materials na ilegal ang pagkakalagay o iyong matatagpuan sa labas ng mga itinakdang common poster areas.
Alinsunod sa Resolution No. 10323, partikular na inaatasan ng Comelec na manguna sa naturang hakbangin ang mga election officer, gayundin ang mga kandidato.
Inatasan din ng Comelec ang mga election officer na makipag-ugnayan sa pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagtatanggal ng naturang campaign materials.
Kasama rin sa mga ipinababakbak na campaign materials ang mga hindi sumunod sa sukat na itinatakda ng Comelec.
Matatandaang nagtakda ang Comelec ng common poster areas, habang mahigpit na ipinagbabawal ang pagkakabit ng campaign paraphernalia sa mga punongkahoy, footbridge, poste ng ilaw, kable ng kuryente, at gilid ng highway.
Babala ng Comelec, ang mga kandidatong hindi tatalima sa panuntunan sa kampanya ay maituturing na lumabag sa election law, at maaaring humantong sa kanilang diskuwalipikasyon.