SAKALING magpasya ang Korte Suprema, na magtitipon ngayon bilang full court, na talakayin at posibleng pagdesisyunan na rin ang kasong quo warranto laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, matatapos na ang matagal nang pakikipaglaban ng Punong Mahistrado para sa paglilinis ng kanyang pangalan.
Ayon sa mga ulat, mayorya ng mga mahistrado sa Kataas-taasang Hukuman—walo sa 14—ay sumasang-ayon sa kasong quo warranto na inihain ni Solicitor General Jose Calida, na nagbibigay-diin na simula’y sapul ay walang-bisa ang pagkakatalaga kay Sereno dahil sa kabiguan niyang maghain ng kanyang Statements of Assets, Liabilities and Networth.
Sa kabila nito, sakali namang dumiretso na sa Senado para sa paglilitis ang kasong impeachment na inihain sa Kamara de Representantes at mapatunayan ng Mataas na Kapulungan na nagkasala nga siya, isa pang paraan ito para tapusin ang kanyang career sa paglilingkod sa pamahalaan. Gayunman, idineklara niyang handa na siyang humarap sa paglilitis ng Senado.
Sa kabila ng dalawang nakapanlulumong posibilidad na ito, patuloy na nananawagan ang ilang grupo para sa kanyang pagbibitiw sa tungkulin. Muling nakibahagi sa kilos-protesta nitong Lunes ang mga kasapi ng SC Employees Association at Philippine Judges Association. Hiniling din ng isa pang grupo, ang Citizen’s Crime Watch, ang pagbibitiw ni Sereno sa puwesto bago pa man pagdesisyunan ng Korte Suprema ang quo warranto, upang mapanatili niya ang titulo bilang retiradong punong mahistrado, giit nila.
Sinagot sila ni Chief Justice Sereno sa forum na “Women on Fire” nang sumunod na araw. “There is no sense in resigning; that’s for cowards,” aniya. Ito na ang paninindigan niya sa simula pa man. Umaasa siyang personal niyang makakaharap ang mga nag-aakusa sa kanya sa paglilitis ng Senado sa anim na articles ng impeachment na dapat ay naaprubahan na ng Kamara de Representantes sa ngayon.
Ang desisyon ng Korte Suprema sa quo warranto ay epektibong magpapatalsik sa kanya sa puwesto bilang punong mahisrado, subalit ilang abogado, kabilang ang mga opisyal ng Integrated Bar of the Philippines, ang nangangambang magkakaroon ng krisis sakaling kuwestiyunin ng Senado ang pasya ng Korte Suprema na nagpapatalsik sa puwesto sa punong mahistrado, kung igigiit ang probisyon sa Konstitusyon na nagsasaad ng mga opisyal ng pamahalaan na maaari lamang mapatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.
Sa harap ng mga pangyayaring ito, at sa gitna ng hindi nagmamaliw na determinasyon ni Chief Justice Sereno na ipaglaban ang kanyang paninindigan hanggang sa huli, wala nang bigat pa ang pagbibitiw sa puwesto. Para sa mga nagsusulong nito, mas mainam na ipaubaya na lang ang lahat sa legal na proseso alinsunod sa umiiral na batas at sa Konstitusyon.