PNA

PORMAL na hinihiling ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Kongreso na palawigin ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa bansa, upang mas maraming pribadong lupa pa ang maibigay ng DAR sa mga magsasakang walang sariling lupa.

“We’ll submit to Congress our proposed CARP extension law for legislators’ consideration,” pahayag ni DAR Undersecretary David Erro sa isang press conference nitong Martes.

Ang CARP ay programa ng pamahalaan na nagkakaloob ng lupang mapagtataniman sa mga magsasakang walang pagmamay-aring lupa sa buong bansa.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Layunin ng panukalang batas na maipagpatuloy ng DAR ang pagpapalabas ng notice of coverage (NoC) sa mga may-ari ng lupa upang maisailalim sa agrarian reform.

“DAR must be empowered to issue NOCs again, so we need the law,” giit ni Erro.

Kamakailan, sinabi ng DAR na tinatayang 300,000 hanggang 500,000 ektarya ng lupa sa buong bansa ang wala pang NoC.

Ang NoC ay sulat na nagpapabatid sa nagmamay-ari ng lupa ay kabilang ito sa mga isasailalim sa agrarian reform ng pamahalaan upang ipamahagi sa mga benepisyaryo.

Ang Republic Act No. 6657, na mas kilala sa tawag na Comprehensive Reform Law of 1988, ang nagtakda sa sampung taong implementasyon ng CARP.

Taong 1998, ipanasa ng gobyerno ang RA 8532, na nag-aamyenda sa RA 6657 at nagtatakda rin sa pagpopondo ng CARP hanggang 2008. Muling pinalawig ng pamahalaan ang implementasyon ng CARP hanggang Hulyo 30, 2014 sa pamamagitan ng pagpasa ng RA 9700 noong 2009.

Hanggat hindi napapalawig ng pamahalaan ang pagpapatupad ng CARP, hindi umano makakapagpalabas ang ahensiya ng NoC.

Ipinunto ni Erro na nakadepende sa aksiyon ng kongreso kung gaano katagal at hanggang kailan muling maipapatupad ang CARP.

Aniya, makatutulong ang maagang pagpapasa ng panukalang CARP extension upang masimulan kaagad ng DAR ang agrarian reform ng administrasyon.

Upang mapabilis umano ang aksiyon ng Kongreso, sinabi ni Erro na balak ng DAR na humingi ng sertipikasyon sa Malacañang para mailagay ang panukalang CARP extension law bilang urgent.

Ayon pa sa opisyal, patuloy ang DAR sa pamamahagi sa mga benepisyo ng mga lupang nakasailalim na sa NoC kahit tapos na ang pagpapatupad ng CARP.

“We were already able to distribute this year around 20,000 hectares,” sabi ni Erro, na idinagdag na balak ng ahensiya na makapamahagi ng 50,000 ektarya bawat taon.