SA GITNA ng mga nagsisigawan at nagbubunying manonood, tiniyak ni Davao-pride Bornok Mangosong na hindi siya mauunahan ng mga karibal sa ikalawang yugto ng MMF Supercross Championships 2018 sa Pantabangan, Nueva Ecija.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ni Mangosong sa Pro Open Production sa sikat na serye na suportado ng Shell Advance Motorcycle Oil at inorganisa ng Generation Congregation. Kabilang din sa mga isponsor ang Dunlop Tires, Potato Corner at Yamaha Motor Philippines.
Gagawin ang ikatlong yugto ng serye sa Linggo sa Mx Messiah Fairgrounds sa Taytay, Rizal.
Pumangalawa kay Mangosong si Jerick Mitra, samantalang ikatlo si Ompong Gabriel. Kinuha ni Enzo Rellosa ang ika-apat kasunod si Ambo Yaparcon. Ito ang unang pagkakataon na dumayo ang grupo sa Pantabangan ngunit hindi natinag ang pinakamahuhusay na rider ng bansa na umani ng paghanga mula sa mga miron.
“Suspension set up should be perfect because the race track is high speed and bumpy, very different from our usual race. The motor and even the tires should be in tune to the race track’s capacity,” sabi ni Mangosong na binulsa ang P10,000.
Sinabi ni Mangosong na mahalaga ang pokus sa kanyang panalo.
‘‘Focus to have a good start, and to get the hole shot. It is important to get the hole shot and avoid mistakes. The track is so dry and riders should really focus not to commit mistake,” aniya.
Nagsipagwagi rin sina Peter Loyola, Ted Suico at Bomvet Santos sa mga karera ng Potato Corner sa power enduro, 4-stroke at 2-stroke enduro. Numero uno ang mga mga Kiddie riders na sina Bibo Alindayao (85cc), David Malgapo (65cc), Jencel Cabinian (50cc 6 below) at Ken Flores (50cc 9 below).
Walang katapat ang prinsesa ng motocross na si Pia Gabriel sa ladies category samantalang wagi si Clyde Alindayo sa amateur open. Pinangunahan ni JR Olarte ang executive class samantalang kampeon si Jolet Jao sa veterans class. Nagpasalamat si Pastor Sam Tamayo ng GenCon at Extreme Adrenaline Sports sa mga lumahok, sa mga nanoood at mga taga-suporta ng serye.