Ni Nitz Miralles
UUBUSIN yata ng GMA-7 ang Sampung Utos ng Diyos para gamiting title ng mga soap opera nila dahil after the very successful Ika-6 Na Utos, gagawin ng network ang Ika-5 Utos.
Nang i-chek namin, ang Ika-5 Utos sa Bible, Huwag Kang Papatay ang nakasaad. Ibig kayang sabihin, tungkol sa patayan ang tema ng soap?
Pamamahalaan pa rin ni Laurice Guillen na director ng Ika-6 Na Utos, kabilang sa cast ng Ika-5 Na Utos sina Jean Garcia, Antonio Aquitania, Valerie Concepcion, Jake Vargas, Inah de Belen, Migo Adecer, Klea Pineda, Jeric Gonzales, Tonton Gutierrez at ang nagbabalik-Kapuso na si Gelli de Belen.
May mga kumukuwestiyon lang sa title, dapat daw wala nang “Na” sa title kaya sa halip na “Ika-5 Na Utos,” dapat ay Ikalimang Utos.
First time pala na magkakasama ang magtiyahing Gelli at Inah at kasama pa si Jake na boyfriend ng dalaga. Magiging daan ang Ika- 5 Utos (ito na po ang ginagamit namin dahil ito ang tama –Editor) para mas makilala ni Gelli si Jake na kung walang magiging problema ay magiging miyembro ng kanilang pamilya in the future.
Para kasing seryoso na ang relasyon nina Jake at Inah na parehong nasa wastong gulang na para mag-asawa.
First time nagkasama sina Jake at Inah sa afternoon soap na Oh, My Mama! at doon nagkainlaban. Si Inah ang isa sa mga dahilan kung bakit muling sumaya si Jake at nakapag-move on sa break-up nila ni Bea Binene.