Ni Dave M. Veridiano, E.E.
ANG weekend ang pinakahihintay na araw ng mga taong pagal ang katawan at isipan sa pagtatrabaho sa loob ng isang linggo. Ito kasi ang oras ng “gimik” ng mga magbabarkada, magkaibigan, at magsing-irog upang makapag-relax bago muling sumabak sa trabaho sa susunod na linggo.
Noong nakaraang mga dekada, kada henerasyon, iba-iba ang “gimikan” tuwing weekend.
Sa henerasyon ng “Baby Boomers” (1954 – 1964), ang mga “gimikan” a halos nasa Roxas Boulevard - mula sa Luneta sa Ermita hanggang sa dulo nito na sakop ng Parañaque. Ang mga malaki ang suweldo at “bigtime” na tao, sa mga “Night Club” sa Roxas Blvd. ang tungo. Ang mga ordinaryong empleyado, laman ng mga “Barbecue Plaza” sa Malate at Ermita, at mga “Beerhouse” na nagkalat sa Quiapo, Binondo, at Sta Cruz, Maynila. Bukod pa rito ‘yong tinatawag na “Kabaret” na dinarayo pa sa 3rd Avenue sa Caloocan City at sa Bocaue sa Bulacan.
Sa “Generation X” (1961 – 1981), malaki ang ipinagkaiba ng mga “gimikan” at dumami ang pagpipilian. Noon kasi naglabasan ang folk house, disco, at diners. Medyo class ang dating ng diners, dahil revival ito ng mga kainan na nauso sa Estados Unidos (USA) noong bago magkaroon ng giyera. May malalaking mall na rin noon -- ang Harrison Plaza sa Malate, Maynila, ang Virra Mall sa Greenhills, San Juan at ang Quad (Glorietta) sa Makati.
Ang kasalukuyang henerasyong “Millennial” (1982 – 2004), ang para sa akin ay pinaka-spoiled sa dami ng kanilang modernong “gimikan” sa iba’t ibang lugar, bukod pa rito ‘yong nasa loob ng mga higanteng MALL sa mga pangunahing distrito ng mga siyudad sa Metro Manila.
Ang problema lang ng mga “Millennials” sa pagpunta sa mga “gimikan” na ito ay ang sobrang trapik na haharapin, at ganoon din sa pag-uwi. Dito pumasok ang makabagong “gimikan” na paborito nila ngayon!
Enter mga FOOD COURT – nakatayo sa mga kalsadang malapit sa malalaking subdibisyon sa Metro Manila. Binubuo ito ng maliliit na ni-retokeng “container van” na hitsurang “mini-food store” sa loob ng isang malaking “covered” na lugar. Kahit walang air-condition ay maginhawa ang paligid, dahil sa natural na bentilasyon nito. Iba’t iba ang mabibiling putahe rito na specialty ng kada stall, at sa isang lugar lang ang nagse-serve ng beer, alak at iba pang may alcoholic drinks.
Palaging puno ang “gimikan” na ito ngayon. Kung noon, ang mga “gimikan” ay itinuturing na pang-lalake lang, iba na ngayon! Ang totoo rito – ‘di lamang mga babae ang nadagdag na parokyano ng mga “gimikan” na ito. Kasama ngayon sa “weekend gimmick” ang buong pamilya!
Kung “gimikan” lang kasi ang hanap, ‘di na kailangang bumiyahe at sumuong sa trapik, kapag nakatira sa isang subdibisyon na sa tabi ay may FOOD COURT – na kumpleto rin sa pagkain, inumin at entertainment.
Kaya nang matikman kong maka-gimik sa FOOD COURT sa loob mismo ng aming subdivision sa Novaliches, Quezon City – sa YARDA Food Hub @ Kingspoint – ay napadalas ako sa lugar, ‘di lang tuwing weekend, kundi sa gabing nakararamdam ako ng gutom at uhaw!
Bukod sa masarap na pagkain -- enjoy ako sa YARDA Food Hub dahil sa galing ng mga “featured entertainer” dito. Gaya sa darating na Sabado, may Pre-Mother’s Day celebration dito at ang magaling na balladeer na si Bradley Holmes, ang haharana sa mga INA na dito magse-celebrate ng kanilang SPECIAL DAY kasama ang buong pamilya. Bukod sa pakikinig sa tugtugan, ang pinakamasarap na ginagawa ko sa pagpunta rito, ay ang pakikipag-JAM ko sa banda habang tumutugtog ako ng SOLINDRO o Harmonica - PRICELESS!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]