Ni Genalyn D. Kabiling
Hindi mabubura ang problema sa droga ng bansa sa susunod na 10 taon dahil sa posibleng aktibong operasyon ng international drug cartels, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules.
Ito ang prangkang pagtaya ng Pangulo sa bigat ng problema sa droga ng bansa sa kabila ng agresibong kampanya ng pamahalaan laban sa kalakalan ng ilegal na droga.
“The drug scene is there and it will not go away for the next 10 years. Pera eh and the idiots,” ani Duterte sa presentasyon ng mga bagong disenyo ng perang papel at barya, sa Malacañang.
Inamin ni Duterte na problema pa rin ng gobyerno ang talamak na kalakalan ng ilegal na droga sa bansa, partikular ang shabu at cocaine.
“Shabu is lower D, E. It’s a commodity for the poor... it is only peddled in poor, urban areas, blighted area,” aniya.
‘Yung mga taga-rito sa Makati, sa gobyerno, and can afford, it’s now cocaine and we see a very active role being played by the cartel,” dugtong niya.
Sinabi niya na ang drug cartel mula sa South America ay “really a vicious one” kasabay ng pag-usbong ng “new triad”. Hindi na siya nagbigay ng detalye.
Kaugnay nito ay hinimok ng Pangulo ang publiko na panoorin ang dalawang crime shows, ang “Amo” at “Dope” na nagbibigay ng pasilip sa madilim na mundo ng illegal na droga.
Inamin ni Duterte na pinanonood niya ang dalawang programang ito, na kasalukuyang ipinapalabas sa Netflix.
Ang “Amo” ay locally produced TV action series tungkol sa war on drugs ng gobyerno. Idinerehe ito ni Brilliante Mendoza. Ang “Dope” naman ay isang crime documentary tungkol sa pagtutugis ng mga awtoridad ng United States sa drug cartels.
“Nakita naman ninyo ‘yung ‘ mo,’ now you have a glimpse of the dark world of drugs. ‘Amo,’ ‘Dope’ you go to the internet, you go to the documentaries,” aniya.
Inamin ni Duterte na kung mangyayari ang parehong scenario sa mga palabas na ito sa bansa, hindi niya pahihintulutang mabuhay ang drug pushers.