Ni Mary Ann Santiago

Tiniyak kahapon ng Department of Education (DepEd) na handang-handa na ito, partikular ang mga guro at mga kawani, sa pagdaraos ng maayos at payapang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Lunes.

Kasabay nito, inihayag ng DepEd na ire-reactivate na ng kagawaran ang DepEd Election Task Force (ETF) at Monitoring Center sa Mayo 13-15, sa Bulwagan ng Katarungan, sa DepEd Central Office sa Pasig City.

Maging ang mga regional at division office ng DepEd ay inaasahang magtatayo rin ng sarili nitong ETF at monitoring centers.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Kami po ay nakahanda na para sa darating na halalan sa Mayo 14… More than 300 DepEd personnel and officials will give support to our teachers who will serve in the local elections, through our Election Task Force (ETF) and Monitoring Center,” sinabi kahapon ni Education Undersecretary for Administration Alain Del Pascua.

Una nang lumagda ang Commission on Elections (Comelec) at DepEd sa Memorandum of Agreement (MOA) na layuning protektahan at isulong ang kapakanan ng mga kawani ng DepEd sa pagdaraos ng local elections, at tiyaking maipatutupad nang maayos ang batas, partikular na pagdating sa pagbibigay ng honoraria, allowance, at iba pang benepisyo sa mga guro.

Batay sa Republic Act 10756 (Election Service Reform Act), ang mga magsisilbing chairperson ng electoral board ay tatanggap ng P6,000, habang ang mga miyembro ay may tig-P5,000.

Ang mga Department of Education Supervisor Official (DESO) ay tatanggap ng tig-P4,000, habang ang mga support staff ay may tig-P2,000. Lahat sila ay bibigyan ng tig-P1,000 travel allowance.