Ni Jun Fabon at Beth Camia

Isa pang dagdag na kasong plunder ang iniharap kahapon sa Office of the Ombudsman ng anti-corruption watchdog laban kay dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III kaugnay ng kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.

Nagtungo si Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ng Volunteer Against Crime Corruption (VACC) sa anti-graft agency, bitbit ang complaint affidavit nito laban sa dating pangulo.

Sa kanyang reklamo, igiinit ni Topacio na paglabag sa regulatory process ng Food and Drug Administration (FDA) at sa government procurement laws ang umano’y hindi planadong pagbili ng nakalipas na administrasyon sa naturang bakuna, na nagresulta sa pagkaalarma ng nasa 800,000 Pilipinong naturukan nito.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Bukod kay Aquino, inireklamo rin nito sina dating Budget Secretary Butch Abad, dating Executive Secretary Paquito Ochoa, Philippine Children’s Medical Center (PCMC) Director Julius Lecciones, dating Health Secretary Janette Garin, at 17 dati at kasalukuyang opisyal ng DoH (Department of Health).

Ito na ang pangalawang kasong pandarambong na isinampa

laban sa dating presidente kaugnay ng nabanggit na bakuna.

Naiulat na maliban sa plunder, may dalawa pang hiwalay na kaso si Aquino sa Ombudsman, gayundin sa Department of Justice at Commission on Elections (Comelec).

Kahapon din, naghain ng panibagong kasong kriminal sa Department of Justice (DoJ) ng mga magulang ng tatlong batang naturukan at namatay Enero ngayong taon.

Ang panibagong batch ng reklamo ay ang pangpito, pangwalo at pangsiyam na complainant.

Kasama sa mga naghain ng reklamo si Jeffrey Alimagno, ama ni Rei Jazztine Alimagno, 13, na namatay noong Enero 3, 2018; Zander Jaime, tatay ni Alexzander Jaime, na pumanaw noong Enero 4; at Analyn Eboña, nanay ni Marc Axl Eboña, na binawian naman ng buhay noong Enero 13.

Reklamong reckless imprudence resulting in homicide, torture resulting in the death of any person, at torture committed against children na paglabag sa Republic Act 9745 ang kanilang inihain laban sa mga nagsulong, nag-apruba at nagpatupad ng programang mass immunization laban sa dengue.

Tumatayong abogado si Public Attorneys’ Office Chief Percida Acosta, kabilang sa inireklamo sina Garin, kasalukuyang Health Secretary Francisco Duque, mga dati at kasalukuyang opisyal ng DoH, maging ang mga opisyal ng Zuellig Pharma Corporation at Sanofi Pasteurs.