Ni Mina Navarro

Isang cashier ng Bureau of Immigration (BI) na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pinuri sa pagsasauli ng mahigit $10,000, katumbas ng mahigit kalahating milyong piso, na naiwan sa kanyang counter ng hindi pa nakikilalang pasahero.

Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na gagawaran si Bernadette Velasquez, BI collecting officer sa NAIA Terminal 3, ng plaque of commendation sa susunod na flag-raising ceremony ng kawanihan bilang pagkilala sa kanyang katapatan.

Nabatid na ini-report at ibinigay ni Velasquez ang pera sa kanyang superiors isang araw makaraang matagpuan niya ang 100 piraso ng US$100 sa loob ng brown envelope na naiwan sa harap ng kanyang counter, bandang 9:00 ng gabi nitong Mayo 4.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sa kanyang report, ikinuwento ni Velasquez kung paanong hindi siya nakatulog nang gabing iyon sa kaiisip kung ano ang gagawin niya sa perang hindi naman niya pag-aari.

Naalala pa ni Velasquez kung paanong tinanong niya sa isang pasaherong Indian, na katatapos lang magbayad sa kanyang counter, kung pagmamay-ari nito ang envelope, pero tumanggi ang dayuhan.

Hanggang sa hingan ni Velasquez ng payo ang dati niyang boss sa Batangas, na nagsabing tawagan niya ang kanyang duty supervisor nang gabing iyon upang ipaalam ang insidente.

Sa utos ng BI port operations chief na si Marc Red Mariñas, sinabi ng superbisor kay Velasquez na pansamantala ay itabi muna niya ang pera dahil wala pang umaangkin dito.

Nitong Mayo 6, dahil wala pa ring umaangkin sa pera, nagpasya na si Velasquez na ibigay ito sa kanyang boss sa BI main office.

Pinayuhan naman ng BI ang hindi pa rin kilalang pasahero—posibleng dayuhan na nakalabas na sa bansa—na kuhanin ang pera sa cash section ng main office ng BI sa Intramuros, Maynila.