MATATAGPUAN ang mga isla ng Paracel sa hilagang bahagi ng South China Sea (SCS), na malapit sa Hainan Island ng China at sa Vietnam. Sa silangan ay ang isla ng Pilipinas na Luzon. Ilan taon na ang nakalilipas, nagpadala ang China ng mga surface-to-air at anti-ship missile sa Woody Island na kabilang sa Paracel matapos ang konstruksiyon nito sa isla na tinayuan ng military base.
Noong nakaraang linggo, naglagay ng mga missile ang China sa tatlong isla na mas malayo sa katimugang bahagi ng Spratly group of islands, sa pagitan ng Cambodia at ng Palawan. Ang tatlong isla—Fiery Cross, Subi at Mischief Reefs—ay kabilang sa mga islang itinuturing na pag-aari ng Pilipinas. Kabilang ang mga ito sa ilang mga bahura na tinayuan ng mga isla ng China noong 2015 na nilagyan din ng kumpletong paliparan.
Sa pamamagitan ng mga missile na ito, maaaring patamaan ng China ang unumang sasakyang pandagat sa nasa loob ng 545 kilometro ng mga bahura, gayundin ang pagpuntirya sa mga eroplano, drones at cruise missiles sa layong 300 km. Agad na idineklara ng Defense Ministry ng China na ang ginawa nilang hakbang ay “were not directed at any country” at ito’y para umano magsilbing “ensure regional peace and stability.” Sinabi rin nila na ang pagpapatayo ay “the natural right of a sovereign nation.”
Ang pang-aangkin ng China sa halos lahat ng bahagi ng South China Sea ay nagdulot ng sigalot sa ilang bansa na umaaangkin rin sa ilang mga isla at bahura na malapit sa kanilang mga baybayin, kabilang ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, at Brunei. Sinubukan ng China at ng mga bansang kasapi ng Southeast Asian Nations (ASEAN) na iresolba ito, sa pamamagitan ng Code of Conduct sa SCS, ngunit simula nang imungkahi ito’y wala pang pormal na kasunduan ang nabuo.
Sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III, nanalo ang Pilipinas sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague. Ibinasura ng korte ang pang-aangkin ng China base sa sinasabing historical rights nito sa South China Sea sa lahat ng yaman dito. Subalit pinili ni Pangulong Duterte ang policy cooperation sa China bilang alternatibong solusyon, na aniya’y isang digmaang hindi natin maipapanalo. Kaya’t pumasok siya sa isang pang-ekonomiyang kooperasyon, kabilang ang joint exploration para sa reserbang langis at gasolina na maaaring makuha sa South China Sea.
Gayunman, noong nakaraang linggo ay sinabi ni Duterte na ipapahayag niya ang tagumpay ng Pilipinas sa international court sa The hague bago matapos ang kanyang termino sa 2020. “I cannot let my administration pass without really insisting, because I am doing it for my country,” pahayag niya sa 37th Philippine Principals training Development Program and National Development Board Conference sa Davao City nitong Biyernes.
Kinikilala natin ang deklarasyong ito mula sa Pangulo. Ngunit umaasa tayo na sa oras na matapos ang kanyang termino—apat na taon mula ngayon— at tuparin niya ang kanyang ipinangako, ay hindi pa huli ang lahat.