MASASAKSIHAN ang tunggalian ng pito sa pinamahuhusay na thoroughbreds sa bansa sa pagratsada ng unang leg ng pamosong Philippine Racing Commission (Philracom)-backed Triple Crown series sa Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Pangungunahan ang grupo ng Smart Candy, ang three-year-old filly na pambato ng SC Stockfarm at nagwagi ng dalawa sa tatlong leg ng Philracom’s 3YO Stakes Race series kamakailan.
Sakay si jockey Kevin Abobo, nakopo ng Smart Candy ang matamis na tagumpay sa second leg ng 3YO series -- 1,500-meter race – sa layong walong length nitong Marso, bago sumirit sa mas malayong 1,600-meter third leg nitong Abril.
Target ng Smart Candy na mapantayan ang tagumpay na isa pang ibinibida ng SC Stockfarm – ang Sepfourteen, nagwalis sa Triple Crown series sa nakalipas na taon.
Bunsod ng tagumpay, ipinagkaloob sa Sepfourteen ang Philippine Sportswriters Association’s 2017 Horse of the Year.
Matibay na karibal ng Smart Candy ang stablemate Box Office, Misha of Leonardo Javier Jr., Talitha Koum of George Raquidan, Victorious Colt of Antonio Zialcita and Herminio Esguerra’s Wonderland at Speedmatic, kumuha ng atensyon sa panalo sa 3rd leg ng Philracom’s Juvenile Colts/Fillies Stakes Races sa nakalipa na taon.
“The first leg of the Triple Crown is such an important race in the series, because its winner is the only one with the chance to go all the way for the rare 3-peat,” pahayag ni Philracom Chairman Andrew A. Sanchez. “I’m sure it will be a battle royale among the seven horses on Sunday.”
Kabuuang P3 milyon ang nakatayang premyo sa karera na may distansiyang 1,600 meters, tampok ang P1.8 milyon sa champion horse at P675,000 sa runner-up. Tatanggap ang ikatlo at ikaapat na puwesto ng P375,000 at P150,000, ayon sa pagkakasunod, habang ang breeder’s purse ay P100,000.
Pakakaabangan din ang P1-million 2018 Philracom Hopeful Stakes Race at 3YO Locally Bred Stakes Race, na may nakatayang P500,000 premyo.
Magtutuos ang Congressional, Disyembreasais, Fast Strider, Goldsmith, Hamlet, Jacqueline, Lion’s Gate, Perlas ng Silangan, Princess Eowyn, Royal Signal, Sheer, Sumilon Island at Tapster sa Hopeful Stakes, habang mapapalaban ang Courageous, Easy to Win, Filipino Emperor, Jack Hammer, Jawo, Lourdes Drive, Mount Bulusan, Probinsyano, The Barrister, Xia’s Best at Yosemite sa 3YO Locally Bred Stakes Race.