Ni Bert de Guzman
NAGKAKAIBA yata ang datos ng Philippine National Police (PNP) at ni Sen. Antonio Trillanes IV tungkol sa bilang o dami ng mga napatay na suspected drug pushers at users kaugnay ng madugong giyera sa illegal drugs ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD).
Sa rekord ng PNP, may kabuuang 4,251 raw ang naitumba ng mga pulis ni ex-PNP chief Gen. Bato, samantalang sinasabi ni Trillanes na may 20,000 na ang biktima ng mga tauhan ng PNP. Alin kaya ang totoo rito o sino ang naglalahad ng katotohanan?Inamin ni bagong PNP chief Director General Oscar Albayalde na kahit marami na ang napatay, naaresto at sumuko, ang salot ng bawal na droga ay nananatiling pangunahing problema ng bansa. Ang mahalaga ay malaman ng taumbayan kung ilan naman ang drug lords, smugglers, suppliers, manufacturers ng shabu, ang naitumba sa drug war ni PRRD at Gen. Bato.
Kapansin-pansing ang lagi nilang nababasa sa pahayagan, naririnig sa radyo at napapanood sa TV ay ang pagkamatay ng ordinaryong pushers at users. Madalang o kakaunti ang nababalitaan nilang naitumbang drug lords, smugglers, suppliers atbp.
Napupuna rin ng publiko na sa pagsalakay ng mga pulis sa malalaking drug laboratories na pag-aari ng mga dayuhan, lalo na ng Chinese, laging wala roon ang mga may-ari. At sakaling naroroon naman, hindi basta-basta binabaril ng mga pulis o ng raiding team, hindi tulad ng pangkaraniwang tulak at adik na parang mga manok na binabaril sa kalye, daan, barangay sa katwirang NANLABAN daw o nakipagputukan.
Inuulit natin na 100% ang suporta hanggang ngayon ng mga Pinoy sa adbokasiya ni PDu30 sa lipulin ang epidemya ng bawal na droga sa ‘Pinas na sumisira sa utak ng kabataang Pilipino, na labis na mahal ng Pangulo natin.
Ang ayaw ng mga tao ay ang walang habas na pagpatay sa pinaghihinalaang pushers at users na hindi raw binigyan ng pagkakataon na sumuko at magbagong-buhay dahil NANLABAN daw. Sabi nga nila, papaano manlalaban ang isang tulak o adik sa mga pulis na armado ng malalakas na kalibreng armas, gayong siya ay armado lang ng pipitsuging .38 cal. revolver?
Habang isinusulat ko ito, headline sa isang English broadsheet ang balitang sinibak ni Mano Digong si Tourism Sec. Wanda Tulfo-Teo: “Duterte fires Teo.” Si Ms. Wanda ay kapatid ng Tulfo brothers---Mon, Ben, Erwin at Raffy. Si Mon Tulfo ay nakasama ko noon sa Ministry of Defense (ngayon ay DND) coverage. Abangan ang huling ulat.
Nag-text ang isang kaibigang journalist tungkol sa bagong bersyon ng awit: “It’s the wandah of you.” May nag-text din na puwede pa ba ang DoT slogan na: “It’s the wandahful country. Come and enjoy.” Pero, mga kababayan, sarado ang Boracay. Marumi raw.