Ni Annie Abad

MATAPOS ang mahigit dalawang dekada, nasungkit ng Pinay – sa katauhan ni Ariana Dormitorio -- ang gintong medalya para sa kampanya ng bansa sa 24th Asian Mountainbike Championships na ginanap sa Danao City, Cebu kamakalawa.

Ang 21- anyos na si Dormitorio ang nag uwi ng kaisa-isang ginto para sa bansa sa Women’s 23-under olympic cross country matapos nitong dominahin ang labanan sa kanyang naitalang 1: 14. 56 para sa 20.74 kilometer race.

Apat na ikot ang ginawa ni Dorimtorio sa 5 kilometer technical course, kung saan pinataob nito ang kalaban na buhat sa Thailand at Malaysia.

Muntik mag-suntukan! Beermen vs Taoyuan, nagkainitan sa PBA-EASL

Tumapos sa ikalawang puwesto ang pambato ng Thailand na si Natalie Panyawan 1:08.47 sa orasan para sa silver at ikatlong puwesto naman para sa bronze si Nur Deena Safia nor Effandy ng Malaysia.

Si Dormitorio na siya ring Asian MTB Series champion ay ang kauna unahang Filipina na nagwagi ng Asian Championship.

Bagama’t siya ang unang Filipina na nagwagi, si Dormitorio naman ang ikalawang Filipino na nakakuha ng gintong medalya sa parehong course matapos pagwagian ni Placido Valdez noong 1997.

Kabilang din si Dormitorio na nakakuha ng bronze medal nitong Biyernes sa team Cross Country Relay kung saan kasama niya sina Avegail Rombaon at Jake at Jericho Rivera.

Ang nasabing panalo ay nagbigay ng puntos para kay Dormitorio sa UCI para makapasok sa 2020 Tokyo Olympics.

Nakatakda ring sumabak si Dormitorio para sa nalalapit na kampanya ng bansa sa Agosto sa Asian Games na gagawin sa Indonesia.