Nina Mary Ann Santiago at Betheena Kae Unite
Nanawagan sa mga kandidato ang environmental watchdog na EcoWaste Coalition na bawasan ang basurang malilikha nila sa pangangampanya at sa mismong Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Lunes.
Ayon kay Daniel Alejandre, zero waste campaigner ng grupo, kung talagang nais ng mga kandidato na mamuno sa kanilang barangay ay kinakailangan nilang maging mabuting ehemplo sa mamamayan, partikular na sa usapin ng pangangalaga sa kalikasan.
“Ayaw natin na ‘yung mga poster materials ay ipinapako sa mga puno, lalong-lalo na sa mga prohibited places. At siyempre, sana ‘yung mga campaign materials na inilalabas, most specially ‘yung mga papers, fliers, posters, sana after election, dapat ‘yan ay kinokolekta nila at ibinabalik sa mga recyclers ng papel,” sinabi ni Alejandre sa panayam ng Radyo Veritas.
Nabatid na noong eleksiyon ng taong 2016, umabot sa 187 truck ng basura ng campaign materials ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos ang panahon ng kampanya.
Kaugnay nito, nagbabala rin kahapon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na bawal ding maglagay ng campaign materials sa mga kalsada dahil nakadi-distract ang mga ito sa pagmamaneho, at nakaaagaw ng pansin mula sa mahahalagang traffic signs.
Hinimok ng DPWH ang publiko na isumbong ang mga lalabag sa road right-of-way (RROW), partikular ang mga signage na natatampukan ng mga mensahe at anunsiyo na nasa gilid ng mga kalsada.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, maaaring isumbong sa kagawaran ang mga pasaway sa 24/7 call center hotline nito na 165-02, sa website, o sa mga social media account ng DPWH.