Ni Dennis Principe

DESIDIDO si dating world superflyweight champion Marvin Sonsona na makabalik sa kaniyang dating tikas ngayong papalapit na ang kaniyang comeback fight.

Patunay dito ayon kay Sonsona ay ang kaniyang desisyon na magsagawa ng roadwork tuwing tanghaling tapat kung saan tirik na tirk ang haring araw.

Sa tindi ng kaniyang road work, sobrang laki ang ibinaba ng timbang ni Sonsona na mula 186lbs noong isang buwan, bumagsak na ito ngayon sa 145lbs.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Hirap ako kung training lang kaya ginawa ko tumatakbo ako ng tanghaling tapat na may suot na sweat shirt at jacket para talagang sunog ang fats ko,” ani Sonsona ”Desisyon ko nay un kasi gusto ko talaga mabawasan timbang ko dahil ayaw pumayag ng kalaban na lampas sa weight limit na napag-usapan.”

Balik-aksyon ang 27-year-old na si Sonsona ngayong Linggo kung saan makakalaban niya si Arief Blader ng Indonesia sa isang eight-round encounter kung saan nagkasundo ang dalawang kampo na maglaban sa 141lbs.

Ito ang unang aksyon ni Sonsona sapul nang talunin niya via majority decision si Jonathan Arellano noong June 2015 sa Carson, California.

“Fighter siya at yun ang gusto kong kalaban kasi ayoko ng mga tumatakbo. Ingat din ako kasi matagal akong walang laban ,” dagdag ni Sonsona.

Ang comeback fight ni Sonsona ang isa sa mga featured bouts ng boxing card na pagbibidahan ng laban nina Olympian Mark Anthony Barriga at Colombian Gabriel Mendoza na maghaharap sa isang 12-round IBF world minimumweight title eliminator.

Ang nasabing card ay magaganap Linggo ng hapon sa Skydome sa SM North, Quezon City.