Ni Francis T. Wakefield
Malaking tulong sa isinasagawang rescue operations ng militar sa mga bihag ng Abu Sayyaf Group (ASG), ang suporta ng mga lokal na opisyal sa Sulu.
Ito ang binigyang-diin kahapon ni Armed Forces of the Philippines- Joint Task Force (AFP-JTF) Sulu commander, Brig. Gen. Cirilito Sobejana.
Inilabas ni Sobejana ang pahayag kasunod ng pagpapalaya sa isang kidnap-victim at pag-rescue naman sa isa pang dinukot kamakailan ng bandidong grupo.
Aniya, nagawang mailigtas ng mga tauhan ng Marine Battalion Landing Team (MBLT)-3 si Blas Jackosalim Ahamad, taga-Sitio Palar, Barangay Gandasuli, Patikul, sa Sitio Budjang, Bgy. Libog Kabao, Panglima Estino, Sulu, nitong Martes ng hapon.
Kabilang, aniya, si Ahamad sa apat na kataong dinukot ng Abu Sayyaf nitong Abril 29, na kinabibilangan din nina PO3 Bennie Rose Alvarez at PO1 Dinah Gumahad.
Kasama ring dinukot ng tatlo si Faizal Ahidji, na pinalaya na nitong Mayo 5, sa Sitio Daang Puti, Bgy. Bangkal sa Patikul.