ANG halalan na isasagawa sa Mayo 14, ay mahalagang proseso ng demokrasya na dapat nating seryosohin. Ang huling halalan sa barangay ay isinigawa noong 2013. At ang huli, kasabay ng halalan ng Sangguniang Kabataan ay isinagawa noong 2010.
Sa idaraos na halalan, pipili ang mga botante ng mga punong barangay, pitong kagawad, tagapanguna ng SK, at pitong miyembro ng SK.
Mahalaga ang barangay bilang pinakamaliit na institusyong pulitikal sa isang demokratikong bansa dahil sila ang nasa unang hanay ng mabuting pamamahala. Ang mga mamamayanan ay tuwirang makapapasok at makikipag-usap sa mga opisyal. Karamihan ng mga serbisyong kailangan ng tao, gaya ng barangay certificate, senior citizen card, at permit ay makukuha sa barangay.
Mas madali rin para sa opisyal ng barangay na konsultahin ang kanilang nasasakupan sa iba’t ibang issue dahil sa maliit na populasyon. Ito ang dahilan ng bi-annual barangay assembly na itinatakda ng Local Government Code.
Sa ibang salita, kung ano ang nakikita ng mamamayan sa barangay ay nakaaapekto sa pagtingin nila sa demokrasya bilang sistema ng pamamahala.
Ang pamahalaang barangay ay nangunguna rin sa pangangalaga at pagsisilbi sa komunidad sa larangan ng kapayapaan, kalusugan, kalinisan, pagharap sa kalamidad at katarungan.
Dahil dito, mahalaga na pumili ang mga botante ng mga kandidatong may kaalaman, puso, at plataporma para paunlarin ang komunidad at lutasin ang mga problema.
Ayon sa Commission on Elections (COMELEC) ay mahigit isang milyon ang nagsumite ng certificate of candidacy noong Abril 14-20. Ito ay mabuting indikasyon na maraming Pilipino ang gustong maglingkod sa bayan.
Kaya tinatawagan ko ang ating mga kababayan na magtungo sa presinto sa Mayo 14, at bumoto ayon sa kanyang konsensya at prinsipyo.