PNA
INILUNSAD sa Albay ang P100-milyon technical-vocational training program sa ilalim ng bagong batas na Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA), o ang Republic Act 10931. Nakatuon ang programa sa tech-voc training na alinsunod sa bagong batas, at puntiryang matulungan ang 6,300 kabataan.
Inilunsad ni Albay Second District Rep. Joey Sarte Salceda, ang pangunahing may-akda ng of RA 10931, ang unang programa sa kanyang probinsya. Ayon sa kanya, layunin ng programa na maiparating ang “diverse range of skills and learning styles” ng kabataan sa kanyang nasasakupan na walang kakayahan para makinabang sa libreng apat na taong pag-aaral sa kolehiyo.
Ipinaliwanag ni Salceda na ang RA 10931 ay hindi lamang nakadisenyo para sa apat na taong libreng pag-aaral sa kolehiyo kundi pati na rin sa technical-vocational education, na ayon sa kanya ay hindi nabibigyan noon ng sapat na atensiyon sa kabila ng ipinatutupad na Technical Vocational Education and Training o TVET program.
Sinabi rin niya na layunin ng unang programa na mapaunlad, mapalawak at mapabuti ang serbisyo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Albay, ng Daraga Human Resources Development College at Daraga Community College bilang unang institusyon, na susundan ng iba pang kinikilalang tech-voc school sa probinsiya, sa ilalim ng UAQTEA.
Ibinahagi rin ng kongresista na naglaan ang kanyang tanggapan ng 5,000 slot para sa Training for Work Scholarship (TWSP), na may budget na P25 milyon; at 1,500 slot para sa Special Training for Employment Program (STEP), na may P15 milyong pondo, mula sa tulong ng TESDA. Habang 1,800 na slot ang nakalaan naman para sa buwan ng Hunyo na may budget na P54 milyon para sa libreng TVET sa ilalim ng RA 10931.
Dagdag pa ni Salceda, ang pagsusulong ng tech-voc sa bansa ay magbibigay-daan upang makasabay ang programang pang-edukasyon ng Pilipinas sa lumalakas na pandaigdigang-oryentasyon na ibalik at muling pasiglahin ang aspeto ng technical-vocational sa mga paaralan. Kasabay ng pagbanggit sa resulta ng isinagawang pag-aaral kamakailan tungkol sa global educational trends, sinabi niya na ang pagtuon sa vocational training ay nakabatay sa katotohanang “that people have a huge and diverse range of different skills and learning styles.”
Sa kasalukuyan, may 112 SUCs at 78 LUCs sa buong bansa na kinikilala ng Commission on Higher Education, at 122 technical vocational institutions na accredited naman ng TESDA.